Opisyal nang binuksan ng Pamahalaang Bayan ng Bustos ang ika-16 na pagdiriwang ng Minasa Festival nitong Martes, 13 Enero, sa BMA Park, Bustos, Bulacan na may temang “Minasa ng pagkakaisa, Tagumpay ng bawat isa!”, kung saan naging makulay na entablado ang nasabing parke na nagtampok sa kultura, pagkakaisa, at progresibong ekonomiya ng bayan.
Bilang pagpupugay sa makasaysayang pamana at sa tanyag na lokal na pagkain ng Bustos, kapapalooban ang pagdiriwang ng malawak na listahan ng mga aktibidad na naglalayong pag-isahin ang tradisyon at modernong pag-unlad. Binibigyang-diin ang sigla ng lokal na ekonomiya sa pamamagitan ng Agri-Trade Fair, Kadiwa ng Pangulo, at Trabaho ni Juan Job Fair, habang ang sining ng pagluluto naman ang bibida sa Kalutong Bustos. Hindi rin pahuhuli ang sektor ng kabataan at sining sa mga programang Art is Cool!, Little Mr. and Ms. ECCD Coronation Night, at ang inaabangang DepEd Night.
Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin ni Bise Gobernador Alexis C. Castro na ang Minasa Festival ay isang mahalagang haligi ng identidad ng lalawigan na nagsisilbing paalala sa mayamang kasaysayan ng mga Bulakenyo.
“Patuloy nating pinapanday ang diwa ng pagkakaisa, pagmamalaki sa sariling atin, at malasakit sa pamana ng ating mga ninuno. Wala pong magmamahal sa Minasa Festival kundi tayong mga Bulakenyo,” ani Castro, kasabay ng paghihikayat sa mga mamamayan na pakaingatan ang kanilang pamanang kultural.
Samantala, mananatiling buhay ang diwa ng komunidad sa buong linggo sa pamamagitan ng Zumbasaya Dance Competition, Tanod Drill at RescueJuan Olympics, at ang nakalaang Senior Citizen’s Night. Inaasahang lalong magiging kapana-panabik ang mga kaganapan sa idadaos na Minasa Street Dance and Dance Showdown, Bakbakan sa Himpapawid, at ang One Big Surprise Concert.
Magtatapos ang selebrasyon sa 18 Enero sa pamamagitan ng taimtim ngunit masayang Tugtog at Sayaw Alay kay Sto. Niño, na magmamarka sa isa na namang matagumpay na yugto sa kasaysayan ng katatagan at dangal ng bayan ng Bustos. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com