Sa pamamagitan ng mabilis na koordinasyon, patuloy na pagsubaybay, at determinadong gawain ng pulisya, naaresto ang pitong suspek sa mga insidente ng nakawan at narekober ang mga tinangay nilang vault, at iba pang piraso ng ebidensya kasunod ng serye ng mga insidente ng pagnanakaw sa mga establisyimento sa Gitnang Luzon at lungsod Quezon.
Naganpa ang pinakahuling insidente noong madaling araw ng Lunes, 12 Enero, nang sapilitang pinasok ng mga suspek ang isang convenience store sa Brgy. Dampulan, Jaen Nueva Ecija.
Sinira ng mga suspek ang roll-up door ng establisyimento at kinuha ang isang vault na naglalaman ng bentang pera, iba’t ibang grocery items at isang electronic payment kiosk bago tumakas sa lugar.
Nang matanggap ang ulat, agad na nag-activate ang mga yunit ng pulisya ng mga flash alarm, hot-pursuit operations at CCTV backtracking.
Ang mga koordinadong aksyon na ito ay humantong sa pagbawi ng ninakaw na electronic payment kiosk nang umaga ring iyon sa isang madamong bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX) sa Marilao, Bulacan.
Nagpatuloy ang mga pagsisikap sa pagsubaybay sa buong hurisdiksyon at humantong sa Quezon City ang mga operatiba kung saan natagpuan ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD), sa pakikipagtulungan ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO), ang mga suspek sa isang residential area sa Novaliches.
Nagresulta ang operasyon sa pag-aresto sa pitong suspek at nabawi ang mga baril, kagamitang ginamit sa mga pagnanakaw, pinaghihinalaang ilegal na droga, getaway vehicle, at iba’t ibang ninakaw na gamit, kabilang ang mga vault.
Nabatid na sangkot rin ang pitong suspek sa mga naunang insidente ng pagnanakaw noong 2 Enero sa Quezon City sa dalawang gasolinahan kung saan kinuha ang mga vault na naglalaman ng humigit-kumulang P72,000 at P340,000.
Dinala ang mga naarestong suspek sa Jaen MPS para sa wastong imbestigasyon at dokumentasyon at pagsasampa ng mga naaangkop na kaso.
Pinasalamatan ni P/BGen. Ponce Rogelio Peñones, Jr., regional director ng Police Regional Office 3, ang mga katuwang na yunit ng pulisya para sa kanilang pagtitiyaga at epektibong koordinasyon, lalo na ang mahalagang papel na ginampanan ng mga tauhan ng QCPD para malutas ang kaso. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com