ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
NAGHATID ng maagang Pamasko ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), katuwang ang Cinema Exhibitors Association of the Philippines (CEAP), sa 20 batang may kanser sa isang film screening noong Huwebes, Disyembre 18, sa Gateway Cineplex, Araneta City.
May libre rin silang pagkain habang pinapanood nila ang Disney “Zootopia 2.”
Rated PG ang pelikula para sa edad 13 at pababa basta’t may kasamang magulang o nakatatanda.
Si Board Member Evylene “Bing” Advincula ang kumatawan sa MTRCB, na namahagi rin sa mga bata ng mga coloring book at krayola.
“Sana po ay nakapagbigay kami ng ngiti sa mga bata sa pamamagitan ng simpleng handog ng pagmamahal,” sabi ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto.
Bukod sa film screening, nakatanggap din ang mga bata ng noche buena items mula sa CEAP, gayundin ng mga espesyal na regalo mula sa mga katuwang na organisasyon.
Ang mga bata ay nasa pangangalaga ng Kythe, isang non-profit at non-stock na organisasyong nangangalaga sa mga batang may kanser at iba pang malulubhang karamdaman na nakatengga sa ospital.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com