ARESTADO ang walo katao at nakompiska ang ilang manok na panabong na may mga tari, at perang taya sa isang tupada, noong Linggo ng hapon, 6 Setyembre, sa lungsod ng Marikina.
Kinilala ng Marikina PNP ang mga nadakip na nagsasabong na sina Benjie Vazuela, 26 anyos; Richaer Telan, 40 anyos; Elmer Vargas, 39 anyos; Eduardo Masco, 53 anyos; Michael Nedia, 35 anyos; Viejay Vazuela, 22 anyos; Philip Luscano, 34 anyos; at Larry Luscano, 44 anyos, pawang mga nakatira sa nabanggit na lugar.
Nadakip ng mga operatiba ang mga suspek dakong 4:15 pm noong Linggo na huli sa aktong nagkakasigawan sa soltada ng tupada.
Nasamsam ang walong manok na panabong na ang ilan ay mayroon pang tari, P1,600 bet money, at ilan pang gamit sa tupada.
Nauna rito, nagsagawa ng surveillance operation ang ilang intel operatives laban sa isang wanted person nang makatanggap sila ng tawag mula sa Station Tactical Operation Center (STOC) kaugnay sa umano’y ongoing na operasyon ng tupada sa lugar.
Kasalukuyang nakapiit ang mga suspek sa detention cell ng pulisya at nakatakdang sampahan ng kaso sa korte. (EDWIN MORENO)