PATAY ang 46-anyos tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa rami ng tama ng bala ng baril mula sa apat na gunman, kamakalawa ng gabi, 31 Agosto, sa bayan ng Rodriguez (Montalban), sa lalawigan ng Rizal.
Sa ulat na tinanggap ni P/Lt. Col. Rexpher Gaoiran, hepe ng Montalban police, kinilala ang napatay na si P/SSgt. Renato Grecia, 46 anyos, nakatalaga sa CIDG sa Camp Crame at nakatira sa Blk5 Lot 9, Arayat St., Montaña Subdivision, Barangay Burgos, sa nabanggit na bayan.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ni P/Cpl. Ronald Sta. Isabel, dakong 8:45 pm noong Lunes nang lapitan ng dalawang lalaking armado ng hindi batid na kalibre ng baril ang biktima at niratrat ng bala sa batok at katawan na naging sanhi ng agaran niyang kamatayan.
Nauna rito, nakatambay umano ang biktima sa kaniyang bilyaran sa ikalawang palapag ngunit bumaba para magpahangin.
Lingid sa kaalaman ng biktima, sinundan siya ng dalawang suspek at pinagbabaril habang tumayong lookout ang dalawa pa nilang kasamahan.
Matapos bumulagta ang pulis, tumalilis ng takbo ang mga suspek ngunit ilang minuto ay bumalik at tinadtad uli ng bala ang biktima upang matiyak na wala nang buhay bago nagsitakas sakay ng dalawang motorsiklo patungo sa Mabini St., sa nasabing lugar.
Sinisilip ngayon ng Montalban PNP kung may kaugnayan sa kaniyang trabaho at mga nasagasaan sa serbisyo ang motibo ng pamamaslang.
Ayon sa anak ng biktima na hindi na binanggit ang pangalan, bago ang krimen ay mayroon na umanong mga bantang natatanggap ang ama mula sa mga suspek.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga awtoridad at sinuri na rin ang mga CCTV camera sa lugar upang malutas ang kaso at mabigyan ng katarungan ang pamamaslang sa biktima. (EDWIN MORENO)