KASALUKUYANG isinailalim sa lockdown ang Camp Olivas sa lalawigan ng Pampanga matapos makompirmang positibo sa coronavirus disease (COVID-19) ang 18 pulis na pawang nakatalaga sa PRO3 (Police Regional Office) sa loob ng kampo, at isang sibilyan sa isinagawang swab test nitong Huwebes, 30 Hulyo.
Ayon kay PRO3 Director P/BGen. Rhodel Sermonia, karamihan sa kanila ay asymptomatic at kasalukuyang naka-quarantine upang mahigpit na mai-monitor sa quarantine facility ng PNP-PRO3.
Sinimulan ang mahigpit na contact tracing sa mga kawani ng PRO3 at mga non-uniformed personnel (NUP) sa nasabing kampo, gayondin sa mga pamilya ng mga nagpositibo sa sakit.
Ayon kay P/Col. Jezzebel Medina, hepe ng Regional Health Services 3, patuloy silang nagsasagawa ng swab test sa lahat ng personnel sa loob ng kampo na mayroong mga sintomas ng COVID-19.
Pansamantalang isinailalim ang Police Regional Office 3 sa lockdown status upang bigyang daan ang gagawing disinfection sa mga pasilidad ng kampo. (RAUL SUSCANO)