NASABAT ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency – Special Enforcement Service (PDEA-SES), Regional Office – National Capital Region, at Taguig City Police ang nabulagang tatlong suspek sa ikinasang buy bust operation na nakompiskahan ng tinatayang P3.4 milyong halaga ng hinihinalang shabu, sa Barangay Western Bicutan, Taguig City, nitong Miyerkoles ng hapon.
Kinilala ang mga suspek na sina Amera Akmad, 40 anyos, dating overseas Filipino worker (OFW) ng New Lower Bicutan, Taguig City; Shara Sinsuat, 34, dating OFW, ng Upper Bicutan, Taguig City; at Aldin Guiali, 18, tubong Maguindanao.
Base sa ulat ni PDEA-SES officer-in-charge Regional Director Rogelito Daculla, dakong 1:30 pm nitong Miyerkoles, 29 Hulyo, nang arestohin ang mga suspek sa parking lot ng isang food chain, sa FTI Complex, Langka Road, Barangay Western Bicutan, Taguig .
Ilang araw na isinailalim sa surveillance ang mga suspek na nagpapalipat-lipat ng lugar sa pagtutulak ng ilegal na droga hanggang masakote sa ikinasang operasyon.
Aabot sa 400 gramo ng shabu na may katumbas na P3.4 milyon ang nasamsam sa mga suspek.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mag suspek. (JAJA GARCIA)