TINANGGAP ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teddy Locsin, Jr., mula kay Ambassador Han Dong-man ang karagdagang medical supplies mula sa Republic of Korea para labanan ang COVID-19.
Kabilang sa pinakabagong package ang 600,000 piraso ng KF-94 protective masks na nagkakahalaga ng $500,000 o katumbas ng P25 milyon maging ang pitong “walk-through testing booths” na ibinigay sa mga ospital ng Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng Korea International Cooperation Agency (KOICA).
Bukod rito ang 1,000 face shields mula sa Korean Embassy at private Korean firm, 10,000 sets ng test kits na may kakayahang makapagsagawa ng 325,000 tests mula sa SD Biosensor, Inc., sa pamamagitan ng Korean Trade-Investment Promotion Agency (KOTRA), na dumating noong nakaraang linggo.
Ayon sa DFA, noong Abril unang nagkaloob ang Korean Embassy ng 700 Q-Sens COVID-19 diagnostic kits na nagkakahalaga ng US$500,000.
Sinundan ng karagdagang 17,664 COVID-19 diagnostic kits na nagkakahalaga rin ng US$500,000, isang set ng PCR at DNA extraction equipment, at 300 sets ng personal protective equipment (PPE). (JAJA GARCIA)