APAT na araw na puspusang contract tracing training ang isinagawa sa Caloocan City nitong Hulyo (mula 21, 22, 23 hanggang 27).
Ito ay dinaluhan ng mga bagong contact tracers tulad ng psychologists, encoders, at volunteers mula sa iba’t ibang departamento; mga dentista at nurses na nakatalaga sa health centers; at BHERTs (Barangay Health Emergency Response Team) na galing sa hanay ng mga barangay.
Ang 400 bagong contact tracers ay tinuruan kung paano ang tamang pakikipag-usap o pag-interview sa mga residente ng Caloocan na nagpositibo sa COVID-19.
Pangunahing trabaho ng mga bagong kuhang contact tracer ay hanapin ang mga nakasalamuha ng COVID-19 sa lungsod at alamin ang mga naging aktibidad mula sa araw na siya ay nakaramdam ng sintomas o mula sa araw na siya ay sumailalim sa swab testing.
“Ang agresibong contact tracing ay ating isinasagawa dahil isa ito sa mga susi para mabilis na matukoy ang mga nakasalamuha ng mga pasyenteng may COVID-19 nang sa gayon ay mapigilan ang pagkalat nito,” pahayag ni Mayor Oscar “Oca” Malapitan
Ayon kay Mayor Oca, ang mga taong nakasalamuha ng mga nagpositibo sa sakit o tinatawag na “close contact” ay sasailalim din sa agarang swab testing. Ang swab testing ay ibinibigay nang libre sa mga residente ng Caloocan upang masiguro na hindi na kakalat pa at maipapasa ang virus sa mas maraming tao. (JUN DAVID)