MATATAPOS na rin ang matagal na paghihintay ng mga taga-Marawi na makabalik sa kanilang mga tahanan bago matapos ang 2021.
Ayon kay Task Force Bangon Marawi (TFBM) Chairman Secretary Eduardo del Rosario nasa full swing na ang trabaho sa rehabilitasyon ng nag-iisang Islamic City sa bansa.
Pinagunahan ni Del Rosario ang pagpapailaw sa dalawang sektor sa ground zero ng Marawi noong Miyerkoles.
Ayon kay Marawi City Mayor Majul Gandamra, ang pagpapailaw ay nangangahulugang desidido ang gobyernong makabalik ang bayan sa dati nitong sigla matapos ang limang buwang gera na inumpisahan ng teroristang grupong Maute.
Giit ng hepe ng TFBM chief on track, ang rehabilitasyon ng bayan ay mag-uumpisa sa pagbabalik ng koryente.
“I can assure you that 90 to 95 percent matatapos natin ‘yan by December 2021. We will strive our best, with the support of Mayor Gandamra and all residents, na magagawa nating matapos by December 2021 ang rehabilitation ng Marawi. ‘Yan ang utos ng ating mahal na Presidente Rodrigo Duterte at ‘yan ang gagawin natin,” ani Del Rosario, ang kalihim ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).
“As we announced earlier, infrastructure projects within MAA will go full blast this month. This lighting ceremony signals that all projects will now go in full swing,” aniya.
Nagpunta si Del Rosario sa Marawi upang tingnan ang pagtatrabaho sa lugar.
Ani Del Rosario, uunahin muna ang paglalatag ng linya ng koryente at tubig bago pabalikin ang mga residente rito.
Aniya, magiging malaking evacuation center ang Marawi kung ang 17,000 residente rito ay agad na pababalikin.
Lalabas na rin ang P3.56-bilyong pondo ng Pangulong Duterte para sa mga ahensiya ng gobyerno na may kinalaman sa pagsasaayos ng Marawi.
(GERRY BALDO)