DUMATING sa bansa ang panibagong 340 overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Doha, Qatar kaugnay pa rin ng problema sa pandemya.
Napag-alaman, ito ang ikaapat na chartered flight na natulungang makauwi sa bansa ang nasabing bilang ng overseas Filipinos, kabilang ang 29 buntis, 4 sanggol na lulan ng Philipine Airlines (PAL).
Sinamahan ng Embassy officials and personnel sa Qatar ang mga naturang OFWs patungong airport hanggang makapag-check-in.
Sa kabila ng ipinaiiral na inbound travel restrictions ay nagkaroon pa rin ng chartered flight makaraang makipag-ugnayan ang Philippine Overseas Labor Office (POLO)sa kinauukulang ahensiya sa Qatar, kabilang ang Supreme Committee for Crisis Management, Ministry of Foreign Affairs, Ministry of Interior, Ministry of Administrative Development, Labor and Social Affairs, Qatar Civil Aviation Authority, Hamad International Airport, at Qatar Airways.
Hindi rin umano magiging matagumpay kung walang suporta mula sa Department of Foreign Affairs (DFA), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), at iba pang kompanya gaya ng PAL.
Patuloy na nagbibigay tulong sa mga nagnanais mai-repatriate ang Embassy at POLO bunsod ng patuloy na problema sa COVID-19. (JAJA GARCIA)