Thursday , December 19 2024

2 sa 4 na aprub na entries ng MMFF 2020, co-produced ng film division ng ABS-CBN

MAY magagandang kahiwagaan ang buhay Pinoy sa panahon ng pandemya. At isa roon ay ang paskil (post) sa Facebook kamakailan na may naaprub nang apat na entries sa 2020 Metro Manila Film Festival (MMFF).

Ang apat na ‘yon ay inapruban ng executive committee ng MMFF base sa submitted scripts. Sa alaala namin ay one or two years ago lang sinimulan ng executive committee na mag-approve na agad ng apat na entries batay sa submitted script, at ‘yung apat pang entries ay pipiliin batay naman sa isa-submit na kopya ng tapos nang pelikula.

Ang MMFF ay proyekto taon-taon tuwing Kapaskuhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA). At dahil ang MMDA ay isang ahensiya ng pamahalaan, ibig sabihin ay umaasa ang Duterte administration na sa Disyembre ay humupa na ang pandemya sa Pilipinas.

Sa ekspresyong Ingles, nag-“flatten the curve” na. Kailangan natin ang ganoong ka-optimistic at positive na attitude sa panahong ito.

Okey lang kung required na mag-face mask pa rin tayo sa Disyembre, pero sana ay wala nang social distancing na mangangahulugang kakaunting tao lang ang makakapasok sa mga sinehan at sa mga mall.

Ang pakiramdam namin ay ganoon din ang projection ng MMDA: wala nang social-distancing sa Disyembre. Normal na na gaya nang dati ang buhay–kahit naka-face mask pa rin tayong lahat.

Alam n’yo bang dalawa sa apat na naaprub ng entries ay co-producer ang film division ng ABS-CBN. May sariling pangalan ang nasabing division pero ‘di ‘yon hiwalay na kompanya. “Star Cinena” ang pangalan ng film division na ‘yon. Nasa ilalim naman ng Star Cinema ang mga produksiyon na gaya ng Black Sheep at Project San Joaqin.

Dalawa sa approved ng entries ay ang Praybeyt Benjamin 3 ni Vice Ganda at ang Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan na nagtatampok naman kina Joshua Garcia at Angie Fierro bilang mga pangunahing bituin.

Ang Viva Entertainment (na mas kilala pa rin sa luma nitong pangalan na Viva Films) ang main producer ng pelikula dahil contract star ng Viva Entertainment Group si Vice bagama’t para sa madla ay taga-ABS-CBN siya dahil sa noontime show ng network na It’s Showtime siya sumikat nang husto bilang comedian-host-singer.

Hindi pa inia-announce kung sino-sino ang makakasama roon bagama’t halos tiyak nang ang isa sa mga ito ay ang live-in boyfriend n’yang si Ion Perez.

Parang isang kahiwagaan na sa Facebook post ng MMFF 2020 ay ‘di nakalagay ang Black Sheep bilang co-producer ng Regal Films (na ang official na pangalan ay Regal Entertainment) para sa entry na Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan.

Actually, naisyuting na ang malaking bahagi ng Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan noong Pebrero ng taong kasalukuyan at natigil lang noong dumagsa sa bansa ang Covid-19. Nai-media conference na rin ito kaya’t alam na ng masusugid na tagasubaybay ng pelikulang Pililpino na ang Black Sheep ang co-producer ng pelikula. Isa itong horror movie na ang direktor ay si Chito Rono. 

Dahil nga hindi pa naman tapos ang pelikula kaya siguro pinayagan ng MMFF executive committee na i-submit ng Regal at Blacksheep ang pelikula bilang script pa rin.

Posibleng oversight lang at wala namang seryosong dahilang political ang ‘di-pagkakasali sa pangalan ng Black Sheep bilang co-producer ng Regal.

Pero mukhang ang mga film project na gaya ng Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan ay aakit ng kababalaghan sa mga sirkumstansiya nito. Batay sa isang nobelang Tagalog ang pelikula, at ‘yan din mismo ang titulo ng nobela. Alam n’yo bang hanggang ngayon ay ang nakakakilala lang kay Bob Ong na may-akda nito ay ang publisher lang ng mga nobela n’ya?

At alam n’yo bang pen name lang daw ang Bob Ong na marami ng naging nobela at ang ilan rito ay naisapelikula na rin? Ang isa sa mga ‘yon ay ang ABNKKBS NPLAK (na ang ibig sabihin ay “Aba, nakakabasa na pala ako).

Samantala, ang dalawa pang naaprub nang entries batay sa scripts ng mga ito ay ang Magikland, isang fantasy adventure na magtatampok sa mga komedyanteng sina Jun Urbano at Bibeth Orteza, at ang The Exorcism of My Siszums na pagbibidahan naman ng real-life sisters na sina Toni Gonzaga at Alex Gonzaga. 

Magkaka-entry din ba nang magkahiwalay sina Vic Sotto at Coco Martin na ilang taon na ring may pelikula sa MMFF?

Kahiwagaan pa sa ngayon kung gagawa ba ng entries nila sina Vic at Coco na sa mga nagdaang taon ng MMFF ay laging may tag-isang entries bagama’t may isang taon na nagsanib-puwersa sila sa isang entry, na kasama pa nila si Maine Mendoza. 

Kung di gagawa ng entry n’ya si Coco, parang madali namang mauunawaan ‘yon dahil abalang-abala nga siya sa ayaw n’yang bitawang FPJ’s Ang Probinsyano na bukod sa pagiging bida n’ya ay siya pa rin ang direktor. Dahil sa health and safety regulations na kailangang tuparin, mas mahirap magsyuting ng pelikula sa panahon ng pandemya.

At mas mahirap din kayang makahanap ng investors sa isang movie project ngayon?

‘Yon din kaya ang balakid sa parang ‘di-pagiging interesado ni Bossing Vic na sumali sa MMFF 2020?

Magdasal po tayo at sundin ang mga regulasyong pangkalusugan laban sa Covid para mahikayat si Pres. Duterte at ang Department of Health na wala na munang social distancing pagpasok ng Pasko at ng MMFF 2020. Kung hilingin ng DOH at ng Pangulo na dalawang face masks ang isuot ng bawat isa sa atin magmula ngayon, sundin po natin para mabawasan ang nagkaka-Covid sa bansa.

Kung di gagawa ng entries sina Bossing at Coco, sana ay ipasok na lang sa MMFF 2020 ‘yung ilan sa pinakamatinding entries sa ‘di natuloy na summer edition ng MMFF. 

Mas masaya ang Pasko 2020 kung may MMFF 2020.

 

KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas

About Danny Vibas

Check Also

Bong Revilla Jr Beauty Gonzalez Walang Matigas Na Pulis sa Matinik Na Misis

Bong sa magpapakilalang anak: aakuin at hindi ikinahihiya

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio KAHANGA-HANGA ang ginawang pag-amin ni Sen Bong Revilla nang matanong kung …

Piolo Pascual TVJ Tito Sotto Vic Sotto Joey de leon

TVJ handang makipag-collab kay Piolo

PUSH NA’YANni Ambet Nabus IBA talaga si papa Piolo Pascual dahil noong nakaraang Friday the 13th, sinolo …

Claudine Barretto Alfy Yan Rico Yan

Alfy kamunghang-kamukha ni Rico, papasukin din ang showbiz

PUSH NA’YANni Ambet Nabus PERSONAL na sinamahan ni Claudine Barretto si Alfy Yan, pamangkin ni Rico Yan sa Viva Entertainment office last week. …

Bong Revilla Jr Boss Toyo Beauty Gonzalez Walang Matigas Na Pulis sa Matinik Na Misis

Boss Toyo hindi natanggihan si Bong Revilla 

I-FLEXni Jun Nardo BAGONG-DAGDAG sa cast ng third season ng Walang Matigas Na Pulis sa Matinik …

Atom panalo sa kasong ‘red-tagging’ vs Lorraine at Jeffrey

HATAWANni Ed de Leon LUMABAS na ang hatol ng Quezon City RTC  Branch 306 kina dating …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *