NAKATENGGA sa opisina ni Mayor Toby Tiangco at hindi pinipirmahan ang mga application form na nag-a-apply para sa online seller’s pass, para makapag-deliver ng kanilang mga produkto sa Navotas City, habang nasa ilalim ang lungsod sa 14-days lockdown.
Ayon sa alkalde, nauunawaan niya ang pangangailangan na makapaghanapbuhay ang mga nag-a-apply ng online seller’s pass para may pantustos sa kanilang pamilya, ngunit dapat daw na ibalanse sa layuning limitahan ang galaw ng mga tao para maiwasan ang hawaan sa nakamamatay na sakit.
Ani Mayor Tiangco, sa mga taga-Navotas online seller at roon din sa lungsod magmumula ang idedeliber na produkto na may mga may DTI o business permit, laging dalhin ang original copy nito at ipakita sa mga nakabantay na pulis, upang hindi sila hulihin.
Sa bahagi ng mga walang DTI at business permit , tiniyak ng alkalde na maitutuloy ang online selling, dahil may mga naka-assign na “Navohatid Delivery Riders” ng bawat barangay sa Navotas City, na siyang maghahatid ng produkto sa mga bahay-bahay.
“Makipag-coordinate lang sa mga barangay hall sa lugar na pagdedelibiran ng products at siguradong makararating iyon sa dapat pagdalhan,” ani Tiangco.
Ayon sa local chief executive, kung walang sapat na dahilan para lumabas, makabubuting manatili na lang sa loob ng bahay at huwag ng ilagay ang mga sarili sa panganib na mahuli o mahawaan ng virus at madamay pa ang pamilya.
“Layunin natin ay mapababa ang kaso ng COVID-19 sa Navotas para ang tao ay makapaghanapbuhay o makapag-aral nang hindi matatakot na magkasakit. Hindi natin magagawa ito nang walang sakripisyo kaya humihingi ako ng pang-unawa at pakikiisa,” sabi ng alkalde.
Nagsimula ang lockdown sa Navotas City noong 16 Hulyo 2020 at magtatapos sa 29 Hulyo 2020. (JUN DAVID)