PATULOY na isinusulong ni Makati Mayor Abby Binay ang ‘no contact’ policy upang mawala ang mga fixer at matigil ang korupsiyon, partikular sa pagproseso ng business permits sa lungsod ng Makati.
Inihayag ito ng babeng alkalde matapos masungkit ng siyudad ng Makati sa ikatlong pagkakataon ang pinakamataas na audit rating mula sa Commission on Audit (COA) para sa 2019 financial statements, habang ang revenue collections ay tumaas ng apat porsiyento sa panahon ng pandemya.
Ang Makati City Government ang kauna-unahang lokal na pamahalaan na nakapagtala ng ‘three-peat achievement’ dahil tatlong sunod-sunod na taon itong nakamit.
Natuwa si Makati City Mayor Abby Binay nang matanggap ang liham na nilagdaan noong 6 Hulyo 2020 ni Commission on Audit (COA) director Omar Roque.
Nakasaad aniya, ito sa ‘unmodified opinion’ na ibinigay ng COA matapos magpasiyang patas at naaayon sa generally accepted accounting principles ang sinuring financial statements ng lungsod.
Inihayag din ng alkalde na nakapagtala ng 4% revenue growth ang Makati sa unang kalahati ng taon.
Base sa ulat ni City Treasurer Jesusa Cuneta, tumaas ng 4 porsiyento ang koleksiyon mula sa business tax na umabot sa P6.69 bilyon, kompara sa P6.42 bilyon noong nakaraang taon.
Ang kita mula sa Real Property Tax ay tumaas ng 3 % at naging P4.72 bilyon, mula sa P4.58 bilyon noong 2019.
Dàgdag ni Cuneta, naabot ng lungsod nitong Hunyo ang 73% ng target revenue para sa taong 2020 matapos umabot sa P12.98 bilyon ang aktuwal na koleksiyon.
Layon ng lungsod na makakalap ng P17.76 bilyon sa buong taon.
Inihayag ng alkalde na nasorpresa siya nang malamang tumaas pa ng apat porsiyento ang revenue collections sa unang semester ng 2020 sa kabila ng mga hamong dulot ng COVID-19.
Umaasa siyang magpapatuloy ang pagtaas ng koleksiyon sa mga susunod na buwan.
Sa nakaraang apat na taon, patuloy na ipinatutupad ng lungsod ang mga reporma at inobasyon na nagtataguyod sa transparency at efficiency sa pamamahala.
(JAJA GARCIA)