HUMINGI ng tulong si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, para sa karagdagang kaalaman sa pagsasagawa ng epektibong contact tracing, kaugnay sa paglaban sa COVID-19.
Kasama ni Mayor Malapitan ang kanyang mga department heads at nakipagpulong sa Baguio City Local Chief Executive sa pamamagitan ng online meeting.
Dito ibinahagi ni Mayor Magalong ang mabisang paraan ng contact tracing upang matukoy ang mga taong nagpopositibo sa COVID-19 at upang tuluyang mapigilan ito.
Ang buong bayan ng Baguio City ay may 131 COVID-19 cases kompara sa Caloocan City na lagpas sa 1,000 ang confirmed cases.
Pinasalamatan ng alkalde si Mayor Magalong sa mga impormasyong kanyang ibinahagi.
“Tayo sa Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ay laging bukas sa mga suhestiyon na maaaring makatulong para mapigilan ang pagdami ng kaso ng COVID-19,” pahayag ni Mayor Oca.
Kaugnay nito, patuloy ang disinfection team sa paglilinis at sanitize sa buong Caloocan City Medical Center (CCMC) na isinara matapos magpositibo sa COVID-19 ang ilang medical staff nito.
Ang bawat suok ng naturang ospital ay dumaraan sa masusing dekontaminasyon para matiyak na walang virus ang pasilidad.
Bubuksan sa publiko ang CCMC sa 23 Hulyo 2020, dakong 12:00 pm.
(JUN DAVID)