ALAM n’yo bang may mga kaibigan kaming ang tingin kay K Brosas ay isang matangkad at magandang lesbian? May pagka-haragan daw kasing kumilos ang Tisay na singer-comedienne.
Siguradong maraming nakapanood ng vlog ni K kamakailan na inamin nito na lesbian ang nag-iisa n’yang anak na si Crystal Brosas. Oo, ang anak ang lesbian, hindi ang butihing ina.
Magkasama ang mag-ina nang mag-out si Crystal nitong Martes ng gabi, July 14, sa vlog ni K.
Ipinost ni K ang excerpt ng vlog sa kanyang Twitter at Instagram account.
Ayon sa Umagang Kay Ganda host, high school pa lang si Crystal ay alam na niya ang sexual orientation nito.
“Sa mga nagtatanong kung matagal ko nang alam, high school pa lang alam ko na, bilang nanay.
“Wala akong galit, wala akong buwisit. Tinanggap ko,” sabi ni K.
Solong pinalaki ni K si Crystal. Hindi kailanman pinangalanan ng singer-comedienne ang ama ng anak sa alinmang interview sa kanya.
Sa pag-uusap ng mag-ina sa kalagitnaan ng vlog, nabanggit ni K na isang “unfortunate event” ang naging hudyat upang mapaamin sa kanya si Crystal.
Ikinuwento niya kung paanong nag-iiyak si Crystal habang ginagawa ang pag-amin. Nineteen years old at college student noon si Crystal.
Kalmadong paniniguro ni K sa anak n’ya noon pa man: “Sabi ko, ‘Anak, kahit ano ka, kahit halamang dagat ka pa, mamahalin kita.’”
Matibay at matindi ang paniniwala ng ina na ganoon ang unconditional love bilang magulang.
Alam n’yang may mga tao na hindi komporme sa lubusang pagtanggap niya sa pagiging lesbian ni Crystal.
Humingi ng paumanhin si K sa mga nanonood sa kanyang vlog na
“Pasensiya na po… nag-iisang anak ko ito, eh. Kung anong gusto niya, susuportahan ko.”
Sinabi ni K na suportado niya ang kaligayahan ni Crystal, gaya ng kung paano niya sinusuportahan ang mga interes nito.
“Tulad ng kanyang music. Pagko-compose. Napakagaling sumayaw.
Naggigitara left and right [hand], ambidextrous.
“Nagtatrabaho siya ngayon… I’m very proud sa anak ko.”
Alam n’yo bang sina Ian Veneracion at Ricky Davao ay may mga anak din na lesbian na sinabihan na nila ng ‘di nila dapat ikahiya at itago ang pagkatao nila lalo pa’t, wala naman silang mga diprebaya at hindi na itinuturing na sakit o kapansanan ang pagiging lesbian.
Samantala, hindi na lesbian ang tawag nina Aiza Seguerra at Charyce Pempengco sa mga sarili nila kundi “transman.” Si Aiza ay Ice na ang ginagamit na pangalan. Si Charice ay nagpatanggal na ng dibdib at ilang taon na rin namang Jake Zyrus” ang gamit na pangalan.
Matagal nang lantad na ang misis ni Ice ay ang dating aktres na si Liza Dino, chairperson ng Film Development Council of the Philippines.
Sana ay magkuwento naman sina K, Ricky, at Ian tungkol sa kung nakakaramdam ang mga anak nilang lesbian ng deskriminasyon sa trabaho, eskwelahan, o sa komunidad.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas