HINDI nag-iisa si Pangulong Rodrigo Duterte na naging biktima ng ABS-CBN at tila na-estafa, nang hindi umere ang political ads, kundi maging ang ibang mga senador at kandidato mula noong 2010 pa.
Inamin ito ng isang opisyal ng ABS-CBN sa pagdinig ng Kamara sa isyu ng prankisa ng dambuhalang media network.
Ang mga ads na hindi nai-ere ng kompanya ay mula sa presidente, bise president, at mga senador noong eleksiyon at para sa presidente noong 2010.
“Wala po kaming information noong 2010, pero malamang nangyari rin po tulad noong 2013 and 2016,” ayon sa presidente at chief executive officer ng ABS-CBN na si Carlo Katigbak sa tanong ni Dasmariñas City Rep. Elpidio Barzaga, Jr.
Nauna nang nag-atubili si Katigbak kung magbibigay siya ng detalya pero iginiit ni Barzaga na nangyari rin ang kaso kay Senator Migz Zubiri noong eleksiyon ng 2013.
“Kasi ang lumalabas na complaint dito, tinatanggap ninyo ang bayad pero hindi naman ninyo ini-ere ang mga political ads. Ano ba talaga ang proseso ninyo?” tanong ni Barzaga kay Katigbak.
Napilitan si Katigbak na aminin ang hindi pag-ere ng ads noong nakaraang mga eleksiyon mula 2010, 2013 at 2016 na ikinagalit ni Duterte.
Ayon kay Katigbak. ang isyu ng hindi pag-ere ay nangyari rin sa mga senador — gaya nina Ralph Recto, Migs Zubiri, Francis Tolentino, Francis Pangilinan at Leila de Lima.
Inamin ni Katigbak na nangyari rin ang insidente sa mga kandidato para sa bise presidente noong 2016 kasama ang kasalukuyang House Speaker Alan Peter Cayetano, dating senador Bongbong Marcos at Antonio Trillanes IV at sa dating Camarines Sur congresswoman Leni Robredo na ngayon ay bise presidente.
Ayon kay House Deputy Minority Leader Janette Garin, nagsilbing kawani ng Department of Health noong panahon ni dating Pangulo Benigno Aquino III, gumagawa ng “public health misinformation” ang ABS-CBN na patuloy na nag-iinterbyu ng ‘non-experts.’
“Psoriasis, as it is, may be a grave disease as it may look in the eyes of people, but never did we expect that it will be blownout of proportion like that of the flesh-eating report in Pangasinan,” ayon kay Garin na isang doktor.
“But did you ever think of the patients all over the country who suffered the stigma and discrimination? Here is a major network bloating the figure,” ani Garin.
(GERRY BALDO)