KALABOSO ang 27-anyos babaeng Chinese national makaraang magwala sa gitna ng kalye at manakit ng biker, traffic enforcers, at nandura pa ng isang guwardiya, sa Makati City, nitong Martes ng hapon.
Nahaharap sa reklamong physical injury at disobedience ang suspek na kinilalang si Dong Li, 27, nanunuluyan sa isang condo sa Bel-Air, Makati City.
Nagreklamo ang isa sa biktima sa Sub-Station 6 ng Makati City Police na si Jefferson Sosa Y Reyes, biker, 27, media producer ng Road 10 West Crame, San Juan.
Tumayong arresting officer ang mga nabiktimang sina Abrogar Narciso at Ronel Cancio, kapwa Public Safety Department Officer o dating MAPSA.
Base sa imbestigasyon, inaresto ang banyaga dakong 5:15 pm at ipinosas nang hindi mapigilan sa pananakit at pagwawala sa kahabaan ng Jupiter St., at Makati Avenue ng lungsod.
Papatawid ang babae nang awatin ng traffic enforcer dahil green light pa para sa motorista ngunit imbes sumunod ay namalo ng payong habang galit na galit at tila nagmumura sa sarili niyang lengguwahe kaya nagtulong ang dalawang traffic enforcer na awatin siya.
Sa kabila ng inabot na mga palo at tadyak ng dalawang traffic enforcers, hindi tinantanan ang patuloy na pagwawala ng babae na namalo rin ng payong at nangalmot pa sa leeg ng biker na si Reyes, hanggang maiposas siya nang tangkaing sirain ang advertising stand ng isang kilalang botika sa mall.
Nakaposas na ang babaeng dayuhan pero patuloy na naglakad hanggang nakapasok sa isang restaurant at doon nagwala na nagtangkang sirain ang mga mesa.
Nang respondehan ng security guard ay diinuraan sila pero hindi na naghain ng reklamo.
Hindi makausap ang suspek dahil hindi marunong magsalita ng English.
Sa ngayon, patuloy na inaalam ng awtoridad kung may problema sa pag-iisip ang dayuhan o bangag sa ilegal na droga. (JAJA GARCIA)