INAPROBAHAN ni Mayor Oscar “Oca” Malapitan ang ordinansa na nagpapaikli sa ipinatutupad na curfew hours sa lungsod habang patuloy na umiiral ang General Community Quarantine (GCQ) sa Metro Manila bunsod ng pandemyang COVID-19.
Alinsunod sa Ordinance No. 0876 na isinulong nina Councilors Enteng Malapitan at Rose Mercado na sinang-ayunan ng iba pang konsehal ng lungsod, ang bagong curfew hours ay mula 10:00 pm hanggang 5:00 am mula sa dating 8:00 pm hanggang 5:00 am.
Ipinaliwanag sa ordinansa na maraming manggagawa ang balik na sa kanilang trabaho ngunit limitado pa rin ang pampublikong sasakyan kaya’t marami sa mga empleyado ang nananatili sa mga kalsada nang mas mahabang oras.
Bukod dito, binigyan na rin ng go signal ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases ang dine-in sa mga restaurant.
Ngunit dahil sa limitadong kapasidad ang pinapayagan, maraming customer ang inaabutan din ng curfew sa kanilang pagpila.
Nakasaad sa ordinansa, pratikal lamang at rasonable ang pagpapaikli ng curfew hours para sa kapakanan ng mga residente sa lungsod.
Ipinaliwanag ni Mayor Oca na dapat manatili sa kanilang mga tahanan ang mga nasa edad 21 pababa, mga senior citizen na edad 60 pataas na hindi kabilang sa essential workforce, mga maysakit at mga buntis.
“Sa kabila ng pagpapaikli sa oras ng ating curfew, patuloy ang ating paalala sa pagsunod sa health protocols tulad ng pagpapanatili ng social distancing, pagsuot ng face mask at palagiang paghuhugas ng kamay o paggamit ng alcohol,” pahayag ni Mayor Oca. (JUN DAVID)