NOON pa man ay may BL movies na rito sa Pilipinas pero paunti-unti ang labas ng mga iyon, kaya ‘di masasabing naging uso na gaya ng pagpapalabas ngayon bilang serye ng mga pelikulang may ganoong tema.
Apat na serialized BL movies ang ipinalalabas ngayon sa iWant, You Tube, Facebook, at iba pang cyber platforms. Ang mga ito ay ang Gameboys, Hello Stranger, Sakristan, at 2gether.
Boys Love (BL) ang klasipikasyon ng mga pelikulang ang istorya ay tungkol sa mga lalaking nag-iibigan. Walang kahalong paghahanapbuhay ang relasyon nila, na siya namang namamayani sa mga tinaguriang “gay films” na gaya ng Tubog sa Ginto ni Lino Brocka noong 1971. Sa nasabing pelikula na hango sa illustrated komiks novel ni Mars Ravelo, mayamang negosyante si Eddie Garcia na may lihim na relasyon sa driver n’yang ginampanan ni Mario O’Hara.
Kahit ang Ang Tatay Kong Nanay, na pelikulang Brocka pa rin na ipinalabas noong 1978, ay maikaklasipika pa ring “gay movie” at hindi BL. Ang papel ni Dolphy doon ay isang may edad ng bading na nagsasakripisyong mag-alaga ng anak ng machong boyfriend n’yang abala sa pambababae. Ang superstar child actor noon na si Nino Muhlach ang gumanap na paslit at si Phillip Salvador naman ang ama (na pasulpot-sulpot na boyfriend ng character ni Dolphy na isang beautician).
Ang masasabing kauna-unahang BL movie ay ang Pusong Mamon ng Viva Films noong 1998, na idinirehe nina Joel Lamangan at Eric Quizon. Mag-boyfriend sa istorya sina Albert Martinez at Eric pero isang gabi ay lalasingin ni Lorna Tolentino si Albert, magpapabuntis siya, at pipilitang pakasalan siya ni Albert na officemte n’ya. Sa paglaon ay pipisan sa kanila si Eric na matagal nang ka-live in ni Albert.
Pagkatapos ng sampung taon ay at saka lang nagkaroon uli ng isa pang BL movie, at ito ay ang indie film na Daybreak na nagtampok kina Coco Martin at Paolo Rivero. Si Adolf Alix ang nagdirehe nito. Two years after, gumawa na naman ng isang BL film si Adolf at sina Cogie Domingo at Sid Lucero ang mga bidang magkalaguyo ng napakaraming taon.
Pero noong 2009 ay sina John Lloyd Cruz at Luis Manzano ang naisip na pagawain ng Star Cinema ng BL movie, at isinama pa ang butihing ina ni Luis na si Vilma Santos para gumanap na ina rin ni Luis sa istorya.
Ayon sa mga ulat, P140.5-M ang kinita ng pelikula, at hanggang sa ibang bansa ay naipalabas ito ng Star Cinema. Setyembre noong ipinalabas ito sa Pilipinas, at bilang paggalang siguro sa tradisyon ng Valentine’s Day na panlalaki at pambabae lang kaya ‘di ito ipinalabas bilang Valentine presentation ng kompanya.
So far, sa punto ng kita at awards na natanggap, ang In My Life ang pinakamatagumpay na BL sa Pilipinas. Pero ito rin naman ang may cast na pinakamabigat at pinakasikat. Malaking bahagi ng pelikula ay sa New York isinyuting dahil sa istorya ay doon nagli-live-in sina John Lloyd at Luis.
Alam n’yo bang nagka-BL film na rin tungkol sa dalawang miyembro ng National People’s Army?
Lihis ang titulo nito at sina Joem Bascon at Jake Cuenca ang lumabas na gay lovers at ang bale katrayanggulo nila ay si Lovi Poe. Noong 2013 ito ipinalabas at ang script nito ay likha ni Ricky Lee. Si Joel Lamangan ang nagdirihe at ang BG International Productions ni Baby Go ang producer.
Kasal naman ang titulo ng BL movie ni Jay Altarejos noong 2014 na nagtampok kina Arnold Reyes at Oliver Aquino bilang live-in lovers for 14 years na biglang kinuwestyon ang relasyon nila habang nagbibiyahe sila papunta sa kasal ng dalawang kaibigan nilang lalaki at babae. Nagwaging Best Film ang Kasal sa Cinemalaya Festival noong 2014.
Apat na taon ang lumipas bago nagkaroon muli ng full length na BL movie sa Pilipinas. At ‘yon ay ang Rainbow Sunset na nagtampok kina Eddie Garcia at Tony Mabesa bilang lovers mula pa noong kabataan nila at hanggang magkaasawa ang isa, magkaroon ng apo, at yumao. Ipinalabas ito bilang entry sa 2018 Metro Manila Film Festival. Ibang klaseng BL talaga ito hindi lang dahil umabot ito sa kamatayan ng isa sa dalawa kundi dahil tinanggap ng asawa ng character ni Eddie ang lover n’yang ginampanan ni Tony. Sa pagyao nga ng character ni Eddie ay pumisan ang misis n’ya (na ginampanan ni Gloria Romero) sa boyfriend. Tinanggap din ng mga anak nila ang pagiging bading ng ama nila na naging senador pa.
Maging sa hanay ng middle-aged at senior citizens na ay may matatagpuang nag-i-enjoy sa BL movies.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas