KAHIT galit na galit at muhing-muhi ang butihing ina ni Frankie Pangilinan na si Sharon Cuneta sa netizen na nagsabing pagsasamantalahan n’ya ang 19 taon dalaga, patuloy pa ring sumusuporta si Frankie sa mga apektado ng mga pahayag ng mga lalaking parang walang mga ina at anak na babae.
Isa sa tahasang sinusuportahan ng anak ng megastar at ni Sen. Kiko Pangilinan ay ang dating TV host na si Kat Alano na binuhay ang paratang na rape sa ang pangalan ay itinatago sa bansang na #rhymesWithWrong na aktibo pa rin sa showbiz hanggang ngayon.
Laganap na sa social media ang bansag na ‘yon dahil gamit din ‘yon ni Kat sa pagsuporta naman n’ya sa #HijaAko na nagmistulang isang movement na ng mga kumakatig naman sa paninindigan ni Frankie na ‘di dapat isisi mismo sa mga biktima ng panggagahasa ang nangyari sa kanila.
Si Frankie ang unang gumamit ng ekspresyon na “Hija” bilang pangalan n’ya sa kanyang Twitter account noong sagutin n’ya ang post ng radio-TV host na si Ben Tulfo na ang paggamit ng mga babae ng seksing kasuotan ang nagbubulid sa kanila na maging biktima ng karahasang sekswal. Tinawag siyang “hija” ni Tulfo para ipahiwatig sa kanya na bata pa siya at wala pang gaanong nalalaman sa kamunduhan ng kalalakihan. Ang “hija” ay salitang Kastila para sa anak na babae.
Samantala hindi naman si Kat ang tahasang nanghingi ng suporta ni Frankie kundi ang mga tagasubaybay ng anak nina Sharon at Senator Kiko.
Tugon ni Frankie sa mga tagasubaybay nya: “#HijaAko is all about this strength. every victim deserves justice. all culprits deserve hell.”
Ginamit din n’ya ang hashtag na #rhymeswithwrong.
Paglilinaw pa n’ya sa mga nagpaparatang na napagsamantalahan sila: “Accusers all deserve to be heard and to have their voices amplified until justice is properly served.”
Binigyang-diin pa n’ya na kahit mapatunayang ‘di totoo ang isang akusasyon, hindi dapat balewalain ang iba pang akusasyon ng pang-aabusong sekswal. Aniya: “Accusations proven false should NEVER invalidate other accusations. All stories that come after are equally valid and deserve to be afforded a certain amount of respect.”
Bilang kongklusyon ay mariin n’yang ipinahayag: “I truly don’t know enough about the case so i’ll just say this part louder — WHILE WE CANNOT OUTRIGHT CONDEMN A PERSON, WE CAN AND SHOULD ALWAYS CONDEMN THE ACT.”
Nakisali na rin sa usapan ang kapatid ni Ben na si Raffy Tulfo na isa ring radio-TV host. Deklara nya: “May karapatan ang mga babae na makipag-inuman. Ang mali ‘yung mga lalaking nagsamantala. ‘Yung mga rapist na ‘yan, kahit na siguro balot na balot yung biktima, mangre-rape yang mga yan. Walang pipiliin mga yan, kahit na anong klaseng damit pa ang ipasuot sa mga biktima.”
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas