SINALAKAY ng mga tauhan ng Parañaque City Police at ilang opisyal ng Parañaque City government ang isa pang illegal clinic na ginagawang COVID-19 testing at nadakip ang isang Chinese national na nakompiskahan ng iba’t ibang uri ng gamot sa nasabing lungsod.
Nasa kustodiya ngayon ng pulisya ang suspek na si Yongchun Cai, 51 anyos, namamahala ng illegal clinic na matatagpuan sa 3rd floor, Morgana Building, Multinational Avenue, Multinational Village, Barangay Moonwalk ng nabanggit na lungsod.
Nahaharap ang naturang dayuhan sa kasong paglabag sa Republic Act 10918 ng Philippine Pharmacy Act, Sanitation Code and Bayanihan to Heal as One Act.
Base sa report bandang 1:00 pm nang salakayin ng mga operatiba ng pulisya katuwang ang opisyal ng City hall ng Parañaque sa Pangunguna ni Atty. Fernando “Ding” Soriano, city administrator, ang nasabing illegal clinic.
Bunsod ng maraming reklamong natatanggap ng tanggapan ni Mayor Edwin Olivarez kaya ikinasa ang naturang pagsalakay.
Ayon kay Atty. Soriano, ginagawa umanong COVID-19 testing ang naturang clinic at nakuha rito ang 64 kahon ng assorted Chinese medicines, 40 plastic bags ng medical supplies, tulad ng dextrose stand, medical chairs, stethoscopes, BP machines, personal protective equipment, mga gamot na may Chinese labels para sa cough, flu, STDs at unregistered Chinese capsules para sa COVID-19.
Pang-apat na ang nasabing illegal clinic sa mga sinalakay ng awtoridad.
Matatandaan noong 29 Mayo ng taong kasalukuyan, sinalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang bahay sa Timothy St., ng nabanggit na subdivision at natagpuan sa underground nito ang isang illegal clinic.
Noong 6 Hunyo ay sinalakay din ng operatiba ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang isa pang illegal Chinese clinic sa Roxas Boulevard, Barangay Tambo ng nabanggit na lungsod.
Nitong nakaraang Abril 27 ay isa namang Chinese Hospital na matatagpuan sa 3985 Lt. Garcia St., panulukan ng Airport Road, Barangay Baclaran ang sinalakay rin ng mga awtoridad.
(JAJA GARCIA)