INIULAT ng Makati City Police na nahuli ang tatlong hinihinalang arsonists ng kanilang kasera nang tangkaing sunugin ang inupahang silid, sa Barangay Cembo, Makati City kahapon.
Kinilala ang mga suspek na sina Gerald Derder Nierras, 27, ng 46 Miguel St., Barangay NBBN, Navotas City; Renalyn Martin, 37, ng Phase 1 Paradise, Tonsuya, Malabon City; at Eduardo Arpon, 38, ng Barangay Hulong Duhat, Malabon City.
Nasa kustodiya ng Makati Fire Department ang mga suspek para sa imbestigasyon sa reklamong frustrated arson ng complainant na si Richard Allan De Villa, 28, ng 229 Guiho St., MCDA Compound, Barangay Cembo, Makati City.
Naganap ang tangkang panununog sa bahay ni De Villa dakong 11:05 ng umaga nitong 16 Hunyo, sa nasbaing lugar.
Nakuha sa mga suspek ang 7 galon ng gasolina, 1 LPG tank, 6 palito ng posporo na nakakabit sa katol, at 2 spray bottles ng butane gas.
Sinabi ni De Villa ang mga suspek ay nagrerenta sa isang kuwarto sa kaniyang bahay.
Nitong, Martes, 16 Hunyo nang umaga nang maamoy niya ang nasusunog na katol mula sa silid ng mga suspek kaya sinilip niya sa butas.
Nasorpresa siya nang makita sa loob ng silid ng mga suspek ang mga ng gasolina at iba pang flammable materials sa tabi ng nasusunog na katol kaya agad niyang sinita at pinigil bago humingi ng police assistance sa Makati Police Sub- Station 8 na agad naman nagresponde kaya mabilis na nahuli ang tatlong suspek. (JAJA GARCIA)