SA PINAKAHULING ulat ng Department of the Interior and Local Government (DILG), umabot na sa 134 barangay officials ang nahaharap sa mga kasong kriminal dahil sa mga anomalyang may kaugnayan sa ayudang Social Amelioration Program (SAP).
Sila ‘yung 134 barangay officials na hinihinalang ‘gumupit’ sa P5,000 to P8,000 SAP para sa mga kababayan nating higit na nangangailangan sa panahon ng enhanced community quarantine (ECQ).
Sinampahan na sila ng kaso sa Prosecutor’s Office ng Department of Justice (DOJ). At ang sabi’y mayroon pang mga susunod.
Mismong DILG ang nagsabi na marami ang nagrereklamo dahil hindi sila nakatanggap ng ayudang SAP.
Kung hindi tayo nagkakamali, 318 barangay officials pa ang iniimbestigahan bukod sa mga nasampahan na ng kaso.
Ipinamahala ng DILG ang imbestigasyon sa Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) para mas mabilis ang proseso ng kaso. Ibig sabihin, maaaring ang nasampahan na 134 barangay officials ay madaragadagan pa.
Lahat ng reklamo ay may kaugnayan sa first tranche ng ayudang SAP in cold cash.
Matatandaan na noong May 20, umabot sa 42 barangay officials ang sinampahan ng kaso ng PNP-CIDG pero mabilis na nadagdagan hanggang sumampa sila sa 134.
Hindi natin maintindihan kung anong klaseng bituka mayroon ang ganyang klaseng barangay officials. ‘Yun bang tulong ng pamahalaan sa mga kababayan nating wala na ngang makain ‘e ibubulsa, gugupitin, o tatsaniin pa?!
Wattafak!
Walang dangal ang mga ganyang klase ng barangay officials, sabi mismo ni DIL Secretary Eduardo Año.
Alam ba ninyong napakahusay ng tirada ng mga tirador na barangay officials dahil kung hindi susuriing mabuti puwedeng ‘makalusot’ ang ginawa nilang ‘pangungupit’ base sa mga nakuhang ebidensiya.
Ilan sa mga reklamo ay masyadong nakaiinis. Mantakin ninyong singilin ng P50 para sa processing fee ang mga constituents nila?!
Mayroon din, nanghingi ng P1,000 sa bawat benepisaryo matapos maiproseso ang aplikasyon sa ayuda.
Umabot naman sa P2,000 ang kinaltas ng mga barangay officials sa isang bayan sa Ilocos Sur.
Grabeng red tape ‘yan ha, with extortion pa!
Pagkakanulo sa sukdulang pagkakanulo sa mahihirap ninyong constituents ang ginawa ninyo, ‘manggugupit’ na barangay officials !
Dahil sa pagkakanulo sa tiwalang ipinagkaloob sa kanila ng constituents, nararapat lang umanong mabulok sa bilangguan ang mga inirereklamong barangay officials, sabi ni DILG Secretary Año.
Sang-ayon po tayo riyan. Huwag nating kalilimutan — public service is a public trust kaya kahit ‘piso’ lang ang ‘kupitin’ ninyo, pagnanakaw pa rin ‘yan!
Mga hindoropot kayo!
Huwag kayo mag-alala, mga sangkot na barangay officials, nangako ang DOJ sa DILG na pabibilisin nila ang pagsasampa ng kaso kaya ibig sabihin pumaparehas pa rin sila na maipagtanggol ninyo ang inyong mga sarili sa korte.
At sa huli, sinabi ng DILG na sana’y maging aral sa mga ‘manggugupit’ na barangay officials ang nangyayari sa kanila ngayon.
Sabi nga ng mga barangay tanod: “Mga kapitan, kupitan na ninyo si kumander pero huwag na huwag ang mga nagugutom na constituents sa panahon ng pandemic.
O paano ‘yan, better luck next time… kung may next time pa.
Aruyko!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap