PUMABOR sa panukalang ipagpaliban ang pagbubukas ng klase sa 24 Agosto 2020, ang botong 23-0 sa Senado, para sa “Third” at “Final Reading” ng Senate Bill No. 1541.
Nakapaloob sa pinagtibay na panukalang batas ang pagbibigay ng kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte na magtakda ng araw ng pasukan sa panahon o pagkatapos ng pandemyang COVID-19.
Sa Senate Bill No. 1541, nais nitong amyendahan ang Republic Act 7797 na nagtatakda ng 200-220 araw ng klase para sa isang buong akademikong taon na dapat magsimula sa unang Lunes ng Hunyo at hindi lalampas sa katapusan ng Agosto ng kada taon.
Sa sandaling maging batas ang naturang panukala, magkakaroon ng dagdag na kapangyaraihan ang pangulo para magtakda ng araw ng pasukan lalo sa mga sitwasyon ng pandemya, kalamidad atbp., sa isang lugar, probinsiya, o munisipalidad.
Ang naturang panukala ay epektibo sa lahat ng paaralan sa buong bansa maging sa foreign o international schools.
Magugunitang inihayag ng Pangulo na hangga’t walang bakuna walang pasok sa paaralan na agad namang inilinaw ng tagapagsalita ng palasyo, matapos ilahad ni Education Secretary Leonor Briones ang mga safety protocols sa pagbubukas ng klase sa 24 Agosto.
Magugunitang dalawang magkatulad na panukala sa senado ang tinalakay at pinagtibay sa mababang kapulungan ng kongreso.
Ikinatuwa ng mga senador na sina Joel Villanueva at Sherwin Gatchalian ang pagpapatibay ng senado sa naturang panukala.
Ayon sa dalawang senador, makabubuti ito para higit na maproteksiyonan ang kalusugan ng mga mag-aaral.
Dahil dito, sinabi nina Villanueva at Gatchalian na magkakaroon ng panahon ang DepEd upang higit na mapaghandaan ang pag-aaral ng mga mag-aaral gayondin ang proteksiyon sa kanilang kalusugan. (NIÑO ACLAN)