HINAMON ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang Department of Health (DOH) na maging totoo o transparent sa mga datos na kanilang inilalabas sa publiko.
Ayon kay Drilon, marapat isapubliko ng DOH ang wasto at tunay na bilang ng mga apektado ng COVID 19.
Inihayag ni Drilon ang hamon, matapos ang insidente ng biglaang pagbawi ng DOH sa inilabas nilang datos
sa publiko.
Nangangamba si Drilon na tila mayroong itinatagong totoong numero o bilang ang DOH at ayaw sabihin sa publiko.
Kaugnay nito, nais ni Senadora Leila de Lima na imbestigahan ang mass testing sa bansa upang malamam ang totoong bilang ng mga nagkaroon ng COVID-19 at mailahad ang totoong resulta ng mga test.
Naniniwala si De Lima na mayroong ‘pagkakamali’ sa pagpapatupad nito. (NIÑO ACLAN)