BIGO ang namumuong ‘diskarte’ sa bidding process sa ilalim ng Philippine National Police (PNP) sa pagbili ng armas at mga kagamitan ng pulisya.
Ibinunyag ito ng ilang bidder na hanggang ngayon ay desmayado sa kanilang natuklasan.
Anila, sa 11th hour matapos makapagsumite ng mga dokumento ang bidders, biglang nadiskubreng may nakasingit na ‘documentary requirements’ o ‘additional requirements’ sa bidding process na kataka-takang isang bidder lang ang nakaaalam.
Nangamba ang mga lehitimong bidder sa nangyari dahil bukod sa lantarang iregularidad, manganganib umano ang buhay ng mga pulis kung ang mabibiling mga kagamitan ay substandard dahil sa pagpabor ng ilang may kapangyarihan sa ‘kasabwat’ na bidder.
Sa impormasyong nakalap, ang bidding process na naganap noong Oktubre ay napagdudahan matapos magsumite ng mga kaukulang dokumento ang mga bidders para sa procurement nang halos P2.4 bilyong halaga ng mga armas para sa PNP.
Nagulat ang lahat nang biglang may ‘additional requirement’ pala na kailangan. Ang dokumentong Program of Instruction (POI) para sa armory ay isang military document at kadalasan ay tanging militar ang higit na nakaaalam.
Magsusumite pa sana ang ibang bidders ngunit paso na sa deadline at biglang idineklarang iisang kompanya — ang JV Espinelli – Israel weapons industries ang “compliant.”
Ayon sa mga mapagkakatiwalaang sources sa PNP, hindi maaaring basta palitan ang technical requirement ng isang bidding process at ilegal umano ang basta pagpapalit nito.
Ang mga revision o amendment ay kailangang dumaan sa Uniform and Equipment Standardization Board (UESB) sa PNP Chief at final approval ng NAPOLCOM.
Ngunit hindi ito nasunod at ang Techinical Working Group lamang ang nagdikta.
Sa kabila nito ay umapela at nag-ingay ang mga kasali sa proseso para makalampag ang kinauukulan at tuluyang maimbestigahan ang proseso.
Sa pagbubukas ng nasabing imbestigasyon na iniutos ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde, kaduda-dudang biglaang ibinasura ng Bids and Awards Committee (BAC) ang kalipikasyon ng JV-Espinelli-IWI na posibleng paraan umano ng pag-iwas sa nasabing imbestigasyon.
Sa ngayon ay tuluyang diskwalipikado ang JV Espinelli-IWI at muling inilathala sa PhilGEPS ang pagsasagawa ng rebidding ngunit hindi nawawala ang pagdududa dahil pareho lang umano ang mga taong kabilang sa BAC at Technical Working Group (TWG) na hahawak ng naturang proyekto ng PNP ukol sa mga armas.
Nais ng bidders na hintayin muna ang resulta ng imbestigasyon at nananawagan sila kay Chief PNP Albayalde na huwag munang ituloy ang bidding hangga’t hindi nalilinis ang kontrobersiya at hindi napapalitan ng mga taong namumuno sa nasabing procurement project. (NIÑO ACLAN)