NANAWAGAN si Senadora Grace Poe na palakasin ang pagpapatupad ng Free Mobile Disaster Alerts Act para matiyak na may sapat na impormasyon ang mamamayan upang makaiwas at makaligtas sa mga kalamidad.
“Ang isang text warning ay makapagliligtas ng libo-libong buhay,” ani Poe, “Gawin natin ang lahat para mailigtas ang ating mga kababayan sa banta ng kalamidad sapagkat napakahirap bumangon at magsimulang muli sa hagupit nito.”
Hinihiling ni Poe sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NRRMC) na magsumite ng compliance report ukol sa implementasyon ng free text alerts.
Magugunitang napirmahan na ang implementing rules and regulation ng batas na ito noong Hulyo 21, 2015.
“Mahalaga ang bawat sandali, kaya’t kailangan natin ang mahigpit na pagpapatupad ng batas,” ayon kay Poe.
Nakatakda sa Republic Act No. 10639 o ang Free Mobile Disaster Alerts Act na magpadala ng alerts ang lahat ng mobile service provider bilang paghahanda sa paparating na kalamidad.
Dahil dito, hinikayat ni Poe, pangunahing awtor ng batas, ang NDRRMC, National Telecommunications Commission, kaukulang ahensiya at kompanya ng telekomunikasyon na pagtibayin ang kolaborasyon at inobasyon upang maipatupad ang naturang mandato.
Aniya, alinsunod sa batas, libre dapat ang alerts na naglalaman ng mga up-to-date na impormasyon mula sa NDRRMC at iba pang kaugnay na ahensiya, kabilang ang contact details ng pamahalaang lokal at lokasyon ng evacuation sites kung kinakailangan.
( NIÑO ACLAN / CYNTHIA MARTIN )