MAY duda ang isa sa mga opisyal ng Bureau of Jail Management Penology (BJMP), imposibleng pag-aari ng namatay na inmates ang Uzi at granadang natagpuan sa loob ng opisina ng warden ng Parañaque City Jail na sumabog nitong Huwebes ng gabi.
Tumangging magpabanggit ng pangalan ang opisyal at ayon sa kanya SOP na bago iharap sa warden ang preso kinakapkapan muna at mahirap maitago ang Uzi maging ang granada .
Aniya sa tagal niya sa serbisyo sobrang higpit ang ginagawa nilang pagkapkap sa mga preso maging ang mga dumadalaw sa bilangguan.
Hindi aniya kapani-paniwala na galing sa mga preso ang mga armas.
Sinasabing umaga pa lamang ng Agosto 11 ay wala na sa tanggapan si Supt. Gerald Q. Bantag dahil sa ika-25 anibersaryo ng BJMP sa Amoranto sa Quezon City.
Ngunit bandang 5:00 pm umalis si Bantag sa ginanap na anibersaryo at bumalik sa kanyang tanggapan.
Nang mabatid ng 10 presong namatay na nasa tanggapan na si Bantag, pinakiusapan nila si SJO1 Ricardo Zulueta, na kung maaari na nilang makausap para humingi ng audience kaugnay sa gagawing paglilipat sa kanila.
Agad na nagsadya si SJO1 Zulueta kay warden upang ipaalam dito kung maaari na siyang kausapin na pinahintulutan naman ng warden.
Sa ikaapat na palapag ng bilangguan nakakulong ang 10 inmates na ineskortan ni SJO1 Zulueta dakong 7:45 pm.
Napag-alaman na sina SJ01 Zulueta at isang nagngangalang JO2 Pascua ang close-in security ng warden na naroon din sa loob ng opisina.
Nang madala na ang 10 preso sa tanggapan ng warden nagtungo ang warden sa comfort room sa loob lamang ng opisina at dito na nakarinig ng komosyon mula sa loob.
Hanggang nakarinig nang sunod-sunod na putok ng baril at kasunod ang isang malakas na pagsabog.
Pagkaraan ay nakita ang namatay na walong preso habang ang dalawa ay naisugod pa sa Ospital ng Parañaque ngunit binawian din ng buhay.
Ayon sa source, bago naganap ang insidente, may mga tauhan ng PDEA ang nagtungo sa naturang piitan na para i-turn-over ang dalawang inmates, na pawang Chinese nationals.
Inaalam kung ang dalawang Chinese national na dala ng mga tauhan ng PDEA ay kabilang sa mga namatay na inmates.
Sampung jailguard ang sumailalim sa paraffin test ng BJMP na nakatalaga sa Parañaque City Jail kabilang ang warden na si Bantag.
Ngunit ang dalawang jail guard na naka-duty nang nangyari ang pagsabog ay tumangging magpa-paraffin test at hindi na binanggit ang mga pangalan nila. Sumailalim na rin sa autopsy ang sampung namatay na inmates sa pagsabog.
Samantala, iniutos kahapon ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang paggiba sa informal settlers sa paligid ng city jail makaraan malaman na dito nanggagaling ang mga kontrabando tulad ng droga na naipapasok sa loob ng kulungan.
( JAJA GARCIA )