BUBUSISIING mabuti ang panukalang emergency powers para matiyak na epektibong tutugon sa paglutas sa lumalalang trapiko sa Metro Manila, ani Senadora Grace Poe.
Sa pagdining ng Senate committee on public services, binigyang-diin ng senadora, “Ito ay dapat tumutupad sa FOI (Freedom of Information). Non-negotiable ‘yan.”
“Kailangan ay malinaw ang sakop at limitasyon ng emergency powers. Para saan at paano ito gagamitin nang epektibong matugunan ang krisis sa trapik,” sabi ni Poe.
Bilang tugon sa panawagang ito, tiniyak ni Transportation Secretary Arthur Tugade na katuwang ng emergency powers ang pagiging bukas at hayag sa publiko ang mga transaksiyon sa ilalim nito.
“Wala dapat hidden costs o undeclared conditional debts na isasalin sa susunod na mga henerasyon…Ang kapangyarihang ito ay titiyakin nating hindi magreresulta sa mataas na halaga ng mga kontrata. Dapat alam natin ang mga detalye at mga deadline,” ani Poe.
Magsasagawa ang kanyang komite ng “marathon hearings” o isa o dalawang hearing kada linggo. Ang susunod na pagdinig ay nakatakda sa 24 Agosto.
( NIÑO ACLAN )