KUNG ikaw ay player ng slot machines sa City of Dreams na matatagpuan sa lungsod ng Parañaque, at isang card holder, bawat pindot sa slot machines ay bibigyan nila ng points.
Kadalasan may matatanggap na text na may libreng points na may nakasulat na halaga kung magkano. Kung minsan naman ay ite-text na entitled makakuha ng kanilang giveaways.
Dalawang linggo na ang nakalilipas, namigay ang COD ng noodle maker, at nitong nakalipas na July 26, ay relo na may tatak na Timex.
Alas dos ng hapon ang simula ng pamimigay ng kanilang giveaways na relo kaya maaga pa lamang ay napakaraming players ang dumating sa COD.
Pero pagsapit ng 4:00 ng hapon, galit na galit ang mga dumating para makakuha ng giveaways, ubos na raw!
Punong-puno ng tao ang COD sa pag-asang makakukuha ng libreng Timex watch, napakaraming players ang hindi nabigyan. Ang raket ng COD ay upang makumbinsi ang mga player na makakuha ng kanilang giveaways, at upang maimpluwensiyahan din na magsugal ang mga pupunta.
Ang masakit, nabigyan nga ng Timex watch na P500 lang yata ang halaga, natalo naman nang libo-libong piso! At higit na mas masakit, ‘yung mga walang istak na nakuha at natalo pa. Dahil sa inis na naubusan ng giveaways, napilitan magsugal!
Alam kaya ng COD management ang kanilang ginagawang panggogoyo sa madlang people? Hindi ba nila binibilang ang dami ng pinadadalhan nila ng mensahe sa pamamagitan ng text messages at nauubusan sila ng giveaways?
Sa mga pinadalhan ng mensahe ng COD, ang mga nakakuha ng giveaways na Timex watch, mamimili kung free play points na P1,000 o relo. Sa mga naubusan, wala nang relo, wala pang P1,000 free play points!
Kapag nagpatuloy ang ganitong sistema ng karaketan ng COD, darating ang araw, maraming mabubuwisit na players o manunugal o kahit naglilibang lang dahil imbyerna sila sa bulok na sistema ng COD!
Dapat binibilang ang pinadadalhang mensahe para hindi nauubusan!
Sumbong ng players ng slot machines, padadalhan sila ng text messages ng COD na nagsasabing may worth P800 free play points pero kapag kanila nang gagamitin ang nasabing premyo, ilang pindot pa lamang, wala na ang extra credit na bigay ng COD.
Take note: ang extra credit na bigay ay hindi magkakaroon ng tsansa na mag-bonus ang slots na nilalaro, kaya pag naubos na mapipilitan dumukot ng pera para ihulog sa slot machines!
Lintik ang RAKET di po ba!
Well, kanya-kanyang raket lang ‘yan, huwag na lang magsugal.
Ang problema, ang mensahe ng COD ay isang tukso!
Sabi nila, ang sugal ay dinarayo ng tao. Nasa tao ‘yan kung ayaw magsugal pero ang tukso ay malapit sa sistema ng COD. Kapag pinadalhan ng text message na mayroong giveaways at may libreng extra credit, patunay na tinutukso ang tao para mabighaning pumunta sa COD.
Congratulations sa staff and management ng City of Dreams, isa kayong mahusay na raketer!
ISUMBONG MO KAY LADY DRAGON – Amor Virata