ARESTADO ang dalawang Bangladeshi nationals at dalawang iba pa sa Pasay City nitong Sabado makaraan ireklamo ng pagnanakaw nang mahigit P15-milyon halaga ng mga damit mula sa mga kapwa Bangladeshi.
Kinilala ang mga suspek na sina Mohamad Anowar Hossain, Kamal Hossan, Lawrence Anthony Daliscon, anti-illegal drugs agent, at Jelyn Paraquirre.
Idinawit din ng mga nagrereklamo ang mga suspek sa mga insidente ng pangingikil at kidnapping.
Kuwento ni Melody Bedro, dakong 4:00 pm nitong Sabado nang looban ng mga suspek ang binabantayan niyang garments factory na pag-aari ng mga Bangladeshi sa lungsod.
Kasama aniya sa mga nakuha ng mga suspek ang ilang cellphone at P50,000 cash.
Ngunit hindi ito ang unang pagkakataong nanloob aniya ang mga suspek sa nasabing bodega.
Sa katunayan, umabot na aniya sa P15-milyon ang halaga ng mga damit na ninakaw ng mga suspek sa mga complainant.
Nagbabanta pa aniya ang mga suspek na papatayin ang mga biktima kung hindi sila magbibigay ng pera.
Dahil dito, nagpasaklolo na sa mga pulis ang mga complainant, kaya’t nadakip ang mga suspek.
Nakompiska mula sa kanila ang ilang baril, bala, magazine at bladed weapons.
Lumutang din ang isang lalaking sinasabing kinidnap at binugbog ng mga suspek noong Hulyo 20 hanggang 23.
Kasalukuyang nakakulong na sin Hossain at Hossan, nahaharap sa reklamong robbery in band, extortion, kidnapping at illegal possession of firearms, ammunition and bladed weapons. ( JAJA GARCIA )