INARESTO ng mga awtoridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal ang isang Korean national na nahulihan ng 117 gramo ng marijuana nitong Martes.
Kinilala ni Senior Supt. Mao Aplasca, bagong director Police – Aviation Security Group (Avsegroup), ang suspek na si Eunho Ahn, 24, isinailalim sa kustodiya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa imbestigasyon.
“Nasakote si Ms. Eunho Ahn, dahil sa dala niyang mari-juana na tinatayang nasa 117 gramo habang isinasailalim sa body screening,” ani Aplasca.
Pasakay sa Philippine Airlines flight patungong Busan, South Korea ang suspek nang mabisto ng mga kagawad ng Office of Transportation Security (OTS) sa pamumuno ni Judy Anne de Belen ang ipinagbabawal na droga sa kanyang tiyan dakong 2:30 pm.
Ayon kay Aplasca, ininspeksiyon ng mga tauhan ng OTS ang luggage ng suspek at doon natuklasan ang iba’t ibang uri ng tabletas, na pinaniniwalaang ecstasy, isang mapanganib na party drug.
Dinala ng mga awtoridad ang suspek sa Manila International Airport Authority (MIAA) medical clinic para sa physical examination saka ipinasa sa kustodiya ng PDEA.
Kapag napatunayang guilty, ang Koreana ay maaaring maharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drug Act (R.A. 9165) na may habambuhay na pagkakakulong at multang P500,000 hanggang P10 milyon.
( GLORIA GALUNO )