PATULOY na inaalam ng Konsulado ng Filipinas sa Jeddah ang detalye sa naganap na aksidente at pagkamatay ng isang overseas Filipino (OFW) at kritikal ang kondisyon ng kanyang kasama noong unang araw ng Eid’l Fitr holiday sa Saudi Arabia.
Base sa ulat na nakarating kay Vice Consul Alex Estomo, head ng Assistance to National Section ng Konsulado, nitong Miyerkoles (Hulyo 6) binangga ng isang humaharurot na sasakyan ang likurang bahagi ng kotseng sinasakyan ng OFW na hindi nabanggit ang pangalan kasama ang isang kaibigan at driver sa bayan ng Taif.
May dalawang oras lang ang layo ng biyahe mula sa Jeddah patungong bayan ng Taif, ang pinakasikat na pasyalan ng mga Filipino kapag may mahabang bakasyon tulad ng Ramadan.
Napag-alaman, ang driver mismo ng kotse ng mga biktima ang tumawag kay Estomo upang ipaalam ang nangyaring aksidente at kinompirmang namatay agad ang OFW habang kritikal sa intensive care unit sa isang ospital doon ang isa pa nilang kasama.
Inaayos ng Konsulado ang kailangang dokumento para sa repatriation ng labi ng namatay na OFW para maiuwi na sa Filipinas. ( JAJA GARCIA )