PAPAYAGAN na ng bagong pamunuan sa pangunahing paliparan ng bansa na kumuha ng pasahero ang mga white taxi sa arrival area upang mapunuan ang pagkukulang ng mga accredited transport service sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kasabay nito, hahayaan na rin ng Manila International Airport Authority (MIAA) na manatili ang Grab taxi at papapasukin na rin ng authority ang Uber.
Ayon sa mga bagong opisyal ng MIAA na pormal nang manunungkulan sa Lunes, kakulangan ng public utility vehicles ang pangunahing dahilan para pormal nang papasukin sa apat na terminals ang white taxi.
Hindi aniya kayang magbigay ng mahigit sa 200 transport vehicles kapag sumasapit ang peak hour na maraming flight ang dumarating at dagsa ang mga papalabas na pasahero sa arrival area ng apat na terminal.
Base sa naging desisyon ng mga bagong opisyal, hanggang 15 taxi lamang ang papayagang pumila sa arrival area sa tuwing may mga flight, at kapag naubos na sa pila ay saka magpapasok uli ng 15 panibagong white taxi upang hindi sumikip sa arrival area ng apat na terminal.
Pero isasaalang-alang pa rin ng pamunuan ng MIAA ang magiging reaksiyon o reklamo ng accredited transport service sa NAIA tungkol sa magiging bagong patakaran.
( G.M. GALUNO )