HINDI nakayanan ng isang Korean casino financier ang problemang kinakaharap kaya tinapos ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili makaraan malustay ang P25 milyon na puhunang ibinigay ng kanyang boss sa Pasay City kahapon.
Kinilala ni Pasay City Police chief, Sr. Supt. Joel Doria ang biktimang si Jeoyoung Shin, 37, may asawa, tubong South Korea, nanunuluyan sa Fine Crest I, Unit 8 BC, Newport City ng lungsod.
Binawian siya ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa San Juan de Dios Hospital sanhi ng tama ng bala sa ulo mula sa kalibre .38 baril.
Sa imbestigasyon ni SPO4 Allan Valdez, ng Investigation Detective & Management Branch (IDMB), nangyari ang insidente dakong 8:00 am sa inookupahang silid ng biktima sa isang hotel sa Pasay City.
Sinasabing nagbaril sa sarili ang biktima at nagkataon naroon ang kanyang kaibigang si Yong Jae Song, isa rin Korean national, para payapain sa problemang kinakaharap.
Nang malaman ni Yong na nagbaril ang kaibigan, agad niyang isinugod sa naturang ospital ngunit binawain ng buhay ang biktima.
Bago nangyari ang insidente, ipinatawag ng kanyang boss na si Jeon Bung Shik, isa ring Koreano, ang biktima upang kumustahin ang ibinigay na puhunang nasa P25 milyon.
Dito nalaman ng boss na nalustay ng biktima ang naturang halaga at makaraan ang pakikipagkita sa boss, tinawagan niya ang kaibigang si Yong para humingi ng moral support.
Marahil sa labis na kahihiyan, nagpasya ang biktimang tapusin ang buhay sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili.
ni JAJA GARCIA