SINIKWAT ni Grandmaster Rogelio Antonio, Jr. ang titulo sa katatapos na Battle of the Grandmasters 2016 Chess Championships-Grand Finals sa Philippine Sports Commission National Athletes Dining Hall ng Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Manila.
Nakalikom si 53-year-old Antonio ng 18 points para makopo ang kanyang 13th National Championship.
Tabla sa top spot sina Antonio at GM Jayson Gonzales pero nakuha ng una ang korona matapos ipatupad ang tie-break points sa 14-player single round robin.
“Masaya ako kasi kaya pa nating makipagsabayan sa mga bata,” pahayag ni Antonio.
Pero naghati sina Antonio at Gonzales sa 1-2 cash prize.
Tumersero ang batang si IM Paulo Bersamina sa event na ang top three finishers ay makakapaglaro sa 42nd World Chess Olympiad sa Baku, Azerbaijan sa Setyembre 1-14 kasama ang dalawa pang seeded players.
Sa women’s division, nag-reyna naman si top seed IM Janelle May Frayna, tumala ng 18 puntos para masolo ang titulo.
Isang puntos ang lamang ng tubong Albay na si Frayna sa tumerserong si seed WIM Jan Jodilyn Fronda.
Makakasama nina Frayna at Fronda si WNM Christy Lamiel Bernales sa team Philippines sa Olympiad.
( ARABELA PRINCESS DAWA )