DATIHANG import ang sasandigan ng Blackwater Elite sa kanilang kampanya sa Governors Cup na mag-uuumpisa sa Hulyo 15.
Si Eric Dawson ang pinapirma ni coach Leo Isaac na naniniwalang swak sa kanila ito. Nakita na naman kasi ng lahat kung ano ang puwedeng gawin at ibigay ni Dawson noong siya ay naglalaro pa sa Meralco.
Kumbaga aý wala nang sorpresa ang reinforcement na ito at puwedeng asahan ng mga locals. Hindi tulad ng kung kukuha pa ng bagong mukha ang Elite at sosorpresahin sila kung magaling o hindi.
Kapag magailng, e di okay. Kapag hindi magaling, e di sising alipin!
At mukhang desidido talaga ang Blackwater na maging maganda ang kanilang performance sa season-ending tournament. Mangyari ay kumuha sila ng isang mahusay na Asian Import.
Pinapirma din ng Elite si Imad Qahwash, isang mahusay na guwardiya na hindi na estranghero sa mga Pinoy.
Magugunitang ang manlalarong ito ang nagpahirap sa Gilas Pilipinas sa nakaraang 2015 FIBA Asia Championship kung saan natalo tayo sa koponan niyang Palestine.
So, kahit paano ay napatunayan na ni Qahwash na uubra siya sa PBA. Kasi, nakaharap na niya ang cream of the crop ng liga. Aba’ý mga superstars ng PBA ang siyang nakatunggali niya’t napaglalangan sa torneong iyon, e.
Kung ang FIBA Asia tournament na iyon ang gagamiting basehan, aba’y baka malayo nga ang marating ng Blackwwater sa pagkakauha kay Qahwash.
Para ba’ng sure ball na ang Elite sa dalawang puwesto kung kaya’t tatlong posisyon na lang ang pupunan ni Isaac. Ang mahalaga na lang ay maging ayos ang mga hahalili sa imports kung kailangan na nilang magpahinga. Hindi naman sila robot na 48 minutong maglalaro nang hindi napapagod.
SPORTS SHOCKED – Sabrina Pascua