KAHIT na hindi pa sigurado kung makakabalik sa active duty sina Mac Belo at Roger Pogoy na kapwa may injuries, pinapaboran pa rin ang Phoenix Accelerators kontra guest team Blustar Detergent sa kanilang pagkikita sa PBA D-League Foundation Cup mamayang 4 pm sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Sa ikalawang laro sa ganap na 4 pm ay magiging balikatan ang engkwentro ng defending champion Cafe France at Tanduay Light.
Ang Phoenix at Cafe France ay kapwa hindi pa nakakatikim ng kabiguan sa tatlong laro. Ang Tanduay Light ay may 2-1 karta. Ang bumibisitantg Blustar ay natalo sa unang dalawang laro.
Noong Lunes ay hindi ininda ng Phoenix ang pagkawala nina Belo at Pogoy at ginapi ng Accelerators ang AMA Online University, 97-89.
Ang Accelerators ay pinangunahan ni Mike Tolomia na nagtala ng 27 puntos. Si Ed Daquioag ay gumawa ng 18 puntos samantalang si Alfrancis Tamsi ay nagdagdag ng 16 puntos kabilang na ang apat na three-point shots.
Ang Blustar Dragons ni coach Goh Cheng Huat ay dinaig ng Tanduay, 84-71 noong Lunes. Noong Martes ay natalo sila sa Cafe France, 98-83.
Sa kabila nito ay hindi minamalit ni Phoenix coach Erick Gonzales ang Dragons dahil sa posibleng nangangapa pa sila at puwedeng makaresbak mamaya.
Aligaga din si Cafe France coach Edgar Macaraya sa Tanduay Light na itinuturing niyang isa sa mga title-contenders ng liga.
Ang Bakers ay sumasandig sa Congolese center na si Rodrigue Ebondo na sinusuportahan nina Paul Zamar, Mark Parala, Mar Villahermosa, Aaron Jeruta at Samboy de Leon.
Ang Tanduay Light ni coach Lawrence Chongson ay pinamumunuan ng mga ex-pros na sina Ken Acibar, Rudy Lingganay, Val Acuna, Jaypee Belencion.
( SABRINA PASCUA )