“WTA 125 Manila. Handa na kami!”
ITO ang tiniyak kahapon ng mga organizer kaugnay ng mga paghahanda para sa Philippine Women’s Open, ang kauna-unahang torneo ng Women’s Tennis Association (WTA) sa bansa, na gaganapin mula Enero 26 hanggang 31 sa bagong kumpuning Rizal Memorial Tennis Center.
“Ikinagagalak namin ang pakikipagtuwang sa Philippine Sports Commission (PSC) at sa Philippine Tennis Association (PHILTA). Ang PSC ang nagbibigay-daan sa mga ganitong kaganapan,” pahayag ni PSC chairman Patrick “Pato” Gregorio sa press conference kahapon na ginanap sa Lanson Place sa Pasay City, dalawang linggo bago magsimula ang torneo.
“Kung pupunta kayo roon (sa Rizal Memorial Tennis Center), makikita ninyo ang daan-daang manggagawa na nagtatrabaho hanggang madaling-araw. Hindi lang ang grupo ng PSC ang aming na-mobilize kundi pati ang Lungsod ng Maynila at ang DPWH. Isang napakagandang pagbabago ito,” ani Gregorio hinggil sa pagsasaayos ng buong Rizal Memorial Sports Complex para sa torneo.
“Kaya wala kaming alinlangan sa pagbibigay ng suportang pinansyal para sa proyektong ito at sa mga NSA na nauunawaan at isinasakatuparan ang bisyon ng Philippine Sports Commission,” diin pa ng PSC chief.
“Ang katotohanang ginagamit na namin ang mga court para sa isang qualifying tournament ng aming mga nangungunang lokal na manlalaro para sa Philippine Women’s Open ay nangangahulugang halos handa na ito (ang Rizal Memorial Tennis Center),” ayon naman kay PHILTA secretary general John Rey Tiangco sa parehong briefing.
“Kami ay kumpiyansa na sa tulong ng PSC ay matatapos namin ito sa tamang oras.”
Si Tiangco, na siya ring alkalde ng Navotas City at dating natatanging age-group player at pambansang manlalaro, ay nagsabing malaking hakbang para sa pag-unlad ng tennis sa Pilipinas ang pagho-host ng inaugural Philippine Women’s Open.
“Malaking bagay po ito. Hindi lang ito isang beses na event kundi isang pamumuhunan para sa tennis sa Pilipinas. Bumubuo kami ng isang ganap na bagong ecosystem na magbibigay-daan sa aming mga lokal na manlalaro na makalaban ang mga world-class na katunggali,” aniya.
Ayon kay Tiangco, nakakuha ang PHILTA ng tatlong taong kasunduan sa Women’s Tennis Association upang idaos ang WTA 125 tournament.
Samantala, available na ang mga tiket para sa kompetisyon, ayon kay PHILTA executive director Tonette Mendoza, na may presyong P200 bawat isa, at libreng upuan para sa mga qualifying round match mula Enero 24 hanggang 25.
Para naman sa main draw mula round of 32 hanggang quarterfinals na gaganapin mula Enero 26 hanggang 29, ang presyo ng tiket ay P1,000, na may free seating, ayon kay Mendoza.
Samantala, ang mga tiket para sa singles semifinals at doubles finals sa Enero 30 ay nagkakahalaga ng P1,500 para sa standard pass at P2,000 para sa premium pass. Ito rin ang magiging presyo ng tiket para sa championship match sa huling araw ng torneo sa Enero 31, ayon pa sa kanya. (PSC/HNT)
Photo caption:
Sina Philippine Sports Commission (PSC) chairman Patrick “Pato” Gregorio (kaliwa) at PHILTA secretary general Mayor John Rey Tiangco sa press conference ng WTA 125 Manila nitong Martes na ginanap sa Lanson Place sa MOA, Pasay City. (HENRY TALAN VARGAS)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com