PINURI ng dating kinatawan ng Filipinas sa Taiwan at beteranong political strategist na si Lito Banayo si Navotas Rep. Toby Tiangco dahil sa kanyang integridad matapos nitong isapubliko ang mga detalye ng kontrobersiyal na mga transaksiyon sa budget ni Leyte Representative at House Speaker Martin Romualdez.
Base sa naka-post sa kanyang kolum sa Manila Standard, inilarawan ni Banayo si Tiangco bilang isang pambihirang personalidad at malayong-malayo sa karaniwang traditional politicians (TRAPO ) na matagal nang nangingibabaw sa politika ng Filipinas.
“Toby Tiangco is a revelation. Not the usual trapo that we have come to regard all legislators, save for a minuscule few. So candid, so refreshing. And so honest,” ayon kay Banayo.
Pinuri rin niya ang tapang ni Tiangco sa pagbubunyag na sinita ni Pangulong Marcos ang pinsang buo nitong si Romualdez dahil sa paglipat ng bahagi ng unprogrammed funds patungo sa mga proyektong pinaboran nina Romualdez at noo’y Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Sa isang naunang panayam, sinabi ni Tiangco na nangako si Romualdez sa Pangulo na ibabalik ang pondo sa bicameral conference committee, ngunit hindi ito natupad.
Ayon kay Tiangco, sinamantala ni Romualdez ang kabaitan ni Marcos sa hindi pagsunod sa kanyang utos.
“Ang problema kasi ang impression kay Presidente masyadong mabait e,” ayon sa mambabatas.
Sinabi ni Banayo na mahihirapan ang Malacañang na pabulaanan ang pahayag ni Tiangco, at iginiit niyang naniniwala siyang nagsasabi nang totoo ang mambabatas.
Sa parehong panayam, isiniwalat ni Tiangco na batay sa mga survey na isinagawa bago ang 2025 senatorial elections, si Romualdez ang pangunahing dahilan ng pagbaba ng approval ratings ni Marcos.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com