HATAW News Team
HUMIHINGI ng ‘saklolo’ kay Pangulong Rodrigo Duterte ang nagkakaisang paksiyon ng mga opisyal sa Bureau of Quarantine (BOQ) kaugnay sa sobrang taas ng singil sa Electronic Payment and Collection System (EPCS) na ipinatutupad ng kanilang ahensiya.
Ayon sa grupo, ang PisoPay.com, isang financial technology company ang nakakuha sa multi-bilyong pisong kontrata kamakailan sa BOQ.
Ibinunyag ng grupo na hindi maka-Filipino ang halaga ng sinisingil sa EPCS na P70.00 convenience fee bawat transaksiyon, bukod pa sa P300 na International Certificate of Vaccine (ICV) na singil ng BOQ, lalo’t dumaranas ng kahirapan dahil sa pandemya.
“Nagdesisyon kaming makipag-ugnayan sa media upang maipaabot kay Pangulong Duterte ang sobrang taas na sinisingil dahil alam naming hindi n’ya ito pahihintulutan ‘pag naunawaan niya. Alam nating lahat na minahal siya ng taongbayan dahil galit siya sa mga corrupt sa gobyerno,” pahayag ng BOQ official na nakiusap itago ang kaniyang pagkakakilanlan bilang seguridad.
Lumutang na rin ang grupo matapos maunang nabunyag sa media ang kabiguan umano ng PisoPay na makapag-file ng Income Tax Return (ITR) noong taong 2018 at 2019.
Hindi rin umano nila naisumite ang kanilang Monthly Remittance Return on Income Taxes Withheld on Compensation (BIR Form No. 1601-C) para sa mga buwan ng Abril 2019, Marso 2020, Abril 2020, at Mayo 2020.
Sa dokumentong ibinigay ng mga source sa media, nabunyag na ang kompanyang kumuha ng multi-bilyong kontrata sa pamahalaan ay dalawang taon nang nalulugi batay sa kanilang 2019 vs. 2020 Audited Income Statements, Balance Sheets at Stockholders Equity.
Kasabay nito, nananawagan din ang grupo sa dalawang kapulungan ng Kongeso, Presidential Anti-Corruption Commission (PACC), at lahat ng mga Regulator na repasohin at pag-aralan ang kontrata nito lalo na kung ito ay hindi sumunod sa itinatadhana ng procurement law o Republic Act 9184.
Naniniwala ang grupo, sa ganitong uri ng kontrata, kailangan na walang bahid dungis ang reputasyon ng kompanya, lalo pa’t may perang kaakibat ang bawat transaksiyon.