“GINOONG Duterte, namnamin mo na, ‘yan na ang huli mong SONA bago ka makulong.”
Ito ang tahasang sinabi ni Senadora Leila de Lima sa kanyang tweet kasunod ang katagang, Lumalaban.
Si De Lima ay nakakulong sa kasong ilegal na droga, na halos isang taon pa lang nakauupo sa puwesto bilang senador.
Ngayong araw, 26 Hulyo, gagawin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang huling State of the Nation Address (SONA) matapos maluklok noong Mayo 2016.
Naniniwala si De Lima, pagkatapos ng termino ng Pangulo ay tiyak na mahaharap sa patong-patong na kaso.
Umaasa si De Lima, matapos ang termino ng Pangulo ay makalalaya siya at tuluyang mapapatunayan sa korte na wala siyang sala sa mga ibinibintang sa kanya.
Aminado si De Lima, biktima siya ng political persecution kaya siya nakabilanggo.
Si De Lima, sa kabila ng pagkakakulong ay inihayag kamakailan na muli siya tatakbo sa halalan sa Mayo 2022 bilang reelectionist senator.
Samantala nakahanda ang senado sa muling pagbubukas ng sesyon sa ilalim ng 16th Congress at sa pagdalo at pakikinig sa SONA ni Pangulong Duterte.
Handa rin umano ang senado na muling bumalangkas ng mahahalagang panukalang batas na higit na makatutulong sa bawat mamamayang Filipino lalo na’t patuloy tayong nahaharap sa pandemya. (NIÑO ACLAN)