UMABOT sa 6,136 indibidwal ang nahuli ng mga awtoridad na lumabag sa ordinansa at health protocols sa ipinatupad na 14-day lockdown na nagtapos nitong Miyerkoles ng gabi dahil sa COVID-19 sa Navotas City.
Ayon sa ulat ni Navotas Police chief, Col. Rolando Balasabas kay Mayor Toby Tiangco, 5,805 ang mga nahuling nasa hustong gulang habang 331 ang mga menor de edad.
Ani Mayor Tiangco, bagaman tapos na ang lockdown, patuloy pa rin ang pagpapatupad ng 24-hour curfew para sa minors, 8:00 pm – 5:00 am curfew para sa adults.
Patuloy aniya ang kanilang laban sa COVID-19 dahil ang pagkalat ng virus ay walang kasiguraduhan kaya’t kailangan ang lubos na pag-iingat at pagsunod sa safety protocols.
“Hanggang wala pang tiyak na gamot o bakuna laban sa virus na ito, walang kasiguraduhan ang pagkalat at hawaan sa ating lungsod,” dagdag niya.
Sinabi ni Mayor Tiangco, karamihan sa 227 bagong nagpositibo ay magkakamag-anak at magkakatrabaho.
Paalala niya sa mga residente, dapat silang sumunod sa safety protocols na pagsusuot ng face mask, physical distancing, paghuhugas ng kamay, disinfection ng mga gadgets para mapigilan ang pagkalat ng virus.
Sa huling ulat ng City Health Office hanggang 8:30 pm nitong 29 Hulyo, umabot sa 1,850 ang tinamaan ng COVID-19 sa lungsod, 938 ang active cases, 91 ang pumanaw at 821 ang gumaling. (ROMMEL SALES)