NAPAGKASUNDUAN ng Malabon City Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (MCTF-MEID) na maaaring hulihin at kasuhan ang mga taong ayaw magpa-test, lalo ang mga nakasama sa contact tracing at natukoy ng Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs).
Ayon kay City Administrator at MCTF-MEID Member Atty. Voltaire dela Cruz, dalawang batas ang gagamitin upang estriktong ipatupad ang mass testing.
Isa ay “Disobedience to a Person in Authority” o pagsuway sa awtoridad sa ilalim ng Revised Penal Code.
Maaari rin kasuhan ang mga tatangging magpa-test ng ‘non-cooperation’ ayon sa Republic Act No. 11332 o “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.”
Sa ilalim ng mga nasabing batas, hindi maaaring tumangging makipagtulungan sa mga kinauukulan ang mga taong natukoy na apektado ng sakit.
Ang sinumang lalabag sa parehong batas ay maaaring magmulta o kaya ay ikulong, batay sa desisyon ng hukuman.
Aniya, hindi maaaring gamiting depensa ang “Data Privacy Act of 2012” upang tumangging magpa-test, dahil pinapayagan ng batas ang paggamit ng personal na impormasyon upang tugunan ang isang national emergency, sumunod sa mga pangangailangan para kaayusan at kaligtasan, o tuparin ng awtoridad ang kanilang tungkulin.
Isa ang mass testing sa mga natukoy na epektibong gawain upang masugpo ang pagkalat ng COVID-19.
Kasama nito ang contact tracing, isolation, at treatment. (ROMMEL SALES)