DALAWANG hinihinalang tulak ng ilegal na droga ang arestado matapos makompiskahan ng mahigit sa P300,000 halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy bust operations ng mga awtoridad sa mga lungsod ng Caloocan at Navotas.
Ayon kay Caloocan police chief, Col. Dario Menor, dakong 12:50 am nang isagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Deo Cabildo ang buy bust operation laban kay Jomel Pineda, alyas Kuya, 42 anyos, isang tricycle driver sa kanyang bahay sa #419 Barrio Sta., Rita North, Barangay 188, Tala.
Kaagad sinunggaban ng mga operatiba si Pineda matapos bentahan ng isang sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P500 ang isang pulis na poseur-buyer.
Nakuha sa suspek ang aabot sa 15 gramo ng hinihinalang shabu na nasa P102,000 ang halaga, digital weighing scale, at buy bust money.
Dakong 11:40 pm kamakalwa nang masakote din ng mga operatiba ng Navotas Police SDEU team sa pangunguna ni P/Lt. Genere Sanchez ang tulak ng droga na kinilalang si Ronnie Altirado, 50 anyos, ng Grace Park, Barangay 120, Caloocan City sa buy bust operation sa Road 10 Barangay NBBN, Navotas City.
Ayon kay Col. Rolando Balasabas, nakompiska kay Altirado ang aabot 32 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P217,600 ang halaga at P300 buy bust money.
Kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drug Act of 2002 ang dalawang suspek na kilala bilang tulak sa nasabing mga lugar. (ROMMEL SALES)