PINAGMULTA ng halos P.5M ang Metrolink Bus Corp., ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela nang makarating kay Mayor Rex Gatchalian ang mga retratong lumabag sa social/physical distancing habang bumibiyahe sa nasabing lungsod.
Gayonman, sa pakikipagpulong ni Gatchalian binigyan ng isa pang pagkakataon ang nasabing bus company para ayusin ang kanilang biyahe matapos umayon na parusahan ang mga lumalabag na driver at konduktor.
Para matiyak ito, tatanggalin ang mga sobrang upuan para makasunod sa social distancing sa lahat ng pagkakataon, at magbayad ng P462,00 multa.
Bukod dito, nakakuha rin ang kompanya ng ‘warning’ mula kay Gatchalian.
Nauna rito, nag-post si Gatchalian sa social media na kung hindi makikipagpulong sa kanya ang may-ari ng kompanya at driver ng nasabing bus hanggang tanghali nitong nakaraang Lunes ay titiyakin niyang hindi makapapasok ng Valenzuela ang mga bus ng kompanya at kung magpipilit ang mga driver nito ay ipai-impound ang mga nasabing bus.
Ayon kay Gatchalian, kuha ang nasabing larawan noong 25 Hulyo, rutang Malabon-Marilao na hihinto sa Dalandanan, Valenzuela.
“To the other bus operators don’t you dare try to do this or else you’ll suffer the same fate as Metrolink Bus… hindi dahil ang license ninyo ay galing sa LTFRB e wala na kaming magagawa sa inyo sa city hall… let’s see if makapasok pa kayo sa city namin if you do this,” banta ng alkalde.
Hinikayat ni Gatchalian ang mga Valenzuelaños na kapag may nakitang gaya ng ginawa ng Metrolink ay kunan ito ng retrato, at ipadala sa kanya kasama ng ruta, pangalan ng kompanya ng bus, at oras at petsa kung kailan kinunan.
“Please take pictures and send to me bus violations on social distancing. Help us police them. Ako bahala sa kanila. You be my eyes and ears. Help us keep our city safe,” ani Gatchalian. (ROMMEL SALES)