SA PANAHON ng pandemya, nakakikilabot na makita ang laksa-laksang tao na nasa iisang lugar nang walang physical/social distancing.
Ganito ang eksaktong larawan ng mga kababayan nating nagdagsaan sa Rizal Memorial Colisuem dahil naroon na raw ang mga bus na maghahatid sa kanila sa kani-kanilang probinsiya.
Pero laking paghihinagpis ng ating mga kababayan dahil puno na ang mga bus at kailagan pa nilang maghintay ng mga kasunod.
Kaya naghihintay pa umano sila sa mga darating na bus.
Kung titingnan ang mga kababayan nating nasa Rizal Memorial Coliseum, makikita na marami silang dalang gamit (parang lipat-bahay).
Kasi nga, hindi naman sila locally stranded individuals (LSIs) kundi mga kababayan natin na nawalan ng trabaho sa Metro Manila at wala nang pang-upa sa renta ng bahay kaya mas gusto nilang umuwi na sa probinsiya. Dahil doon ay mayroon silang matitirahan at mapagtataniman para huwag silang magutom — hindi man sila abutin ng kahit anong klaseng ayuda mula sa pamahalaan.
Dapat pagtuunan ng pansin ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang nagaganap ngayon sa Rizal Memorial Stadium, dahil nanganganib na magkahawaan sila.
Hindi malayong mangyari na negatibo sa COVID-19 ang isa sa kanila na may kasama pang sanggol, pero sa tagal ng panahon na nagkakahalubilo sila, hindi nakapagtataka na pagdating sa kanilang probinsiya ay maging positibo sila sa COVID-19.
Ang tanong, sino ba ang may pakana na magtambakan sa Rizal Memorial Coliseum ang mga kababayan natin?
Kaya ang hirit ni Ormoc Mayor Richard Gomez:
Mr. President,
Who is your person in charge of this program? I am sorry but in my opinion, that person doesn’t know what he is doing in organizing something as big as this.
He cannot tell the people to be in an orderly manner. No social distancing for more than 2 days!
How many of them will be infected with COVID as they head home to their provinces this week because of this arrangement!?
Whoever that person heading this program should be fired for insensitivity and no regard for public health!
Good luck Philippines!
KAPSULANG TRADITIONAL
CHINESE MEDICINE
APROBADO VS COVID-19
ISA siguro ito sa magandang balita ngayong panahon ng pandemyang COVID-19.
Isang kapsula na kabilang sa traditional Chinese medicine na ginagamit sa trangkaso (influenza) ang inaprobahan kamakailan bilang medicine, food supplement o natural health product sa 12 bansa at rehiyon kabilang ang Brazil, Romania, Thailand at Ecuador.
Ipinagbibili rin umano ito sa Hong Kong and Macao special administrative regions.
Ang pangalan nito ay Lianhua Qingwen, na inirerekomendang gamitin sa mga pasyenteng may mild COVID-19 symptoms.
Aprobado ito bilang Chinese proprietary medicine ng Health Sciences Authority sa Singapore.
Gawa raw ito ng Shijiazhuang Yiling Pharmaceutical Co., sa Shijiazhuang, Hebei province.
Nagrerehistro na rin ito ng kanilang aplikasyon sa iba pag bansa kabilang ang Middle East, Africa, at Latin America.
Ang Lianhua Qingwen umano ay rekomendado sa apat na version para sa treatment plan mula sa National Health Commission para sa paggagamot ng COVID-19, o pneumonia na mayroong novel coronavirus.
Kung hindi tayo nagkakamali, ito ‘yung mga gamot na ni-raid sa mga ilegal na Chinese hospital dito sa bansa at kinompiska ng PDEA.
Nasaan na kaya ang nasabing mga gamot?!
Ang balita natin ay napakamura nito ngayon dahil bumagsak nga ang presyo nang sunod-sunod na nasalakay ang kanilang mga ilegal na ospital.
Sa rami ng mga pasyente ngayon ng COVID-19, hindi kaya dapat gamitin ito ng pamahalaan at subukin sa mga kababayan nating may sakit?
Ano sa palagay ninyo IATF-MEID?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap