TAMA lang ilibre ang mahihirap sa COVID-19 testing kung seryoso talaga ang gobyerno na makontrol ang pagdami ng nahahawahan ng virus sa bansa.
Sa inilunsad na drive-thru testing ni Manila Mayor Isko Moreno kamakailan, napatunayan niyang handang sumailalim sa testing ang mahihirap, basta wala silang gagastusin dito.
Libre ang drive-thru testing sa Maynila, na bukas maging sa mga hindi residente ng lungsod.
Pareho ng kay Mayor Isko ang katuwiran ni Dr. Tony Leachon, dating adviser ng National Task Force (NTF) Against COVID-19. Bukod sa free mass testing, nagmungkahi si Leachon na bigyan ng libreng face mask ang mahihirap.
Ayon kay Leachon, gusto man ng mahihirap na sumunod sa health protocols, wala naman silang panggastos para rito.
Kung kaya ng Maynila na magpalibre ng mass testing kahit sa mga hindi residente ng siyudad, bakit hindi ito magawa ng Department of Health (DOH)?
Ano na nga ba ang nangyari sa P45-billion budget na ini-release para sa DOH?
Hindi ba pupuwedeng bumawas sa halagang ito para makapagpalibre ng mass testing sa mga hindi maka-afford pero gustong makasiguro na wala silang virus?
* * *
Akmang-akma sana kung gagamitin ng DOH sa mass testing ang locally-made at world-class quality test kits na gawa ng University of the Philippines-National Institute of Health (UP-NIH). Malaki ang matitipid ng DOH dahil lubhang mababa ang presyo ng locally-made at high-quality test kits kompara sa imported test kits mula sa China at South Korea, na ginagamit ngayon ng kagawaran.
Ang imported test kits ay nagkakahalaga ng P4,000-P8,000 bawat isa, samantala ang UP-NIH test kits ay nasa P1,320 lang.
Nagarantiyahan na rin ang mataas na kalidad ng locally-made test kits na ito, na may sensitivity rate na 93.96%, hanggang 98.04% na specificity, at 95% confidence interval.
Nitong Linggo, July 19, inianunsiyo ng DOH na maaari nang ibenta sa merkado ang UP-NIH test kits.
Inihayag ito ng DOH ilang araw matapos nitong kompirmahin na nabigyan na ang locally-made test kits ng special certification mula sa Food and Drug Administration (FDA), makaraang ma-recall noong Mayo dahil sa “very minor” na depekto.
Una nang binatikos nina Senators Franklin Drilon at Risa Hontiveros si Health Secretary Francisco Duque III dahil sa kawalang aksiyon na aprobahan kaagad ang mass production at paggamit ng UP-NIH test kits, na ayon sa dalawang mambabatas ay “gathering dust in laboratories.”
Totoo namang magiging praktikal lang ang DOH kung pipiliin nitong gagamitin ang locally-made test kits. Ang matitipid na halaga ng kagawaran ay maaari pa nitong mailaan sa iba pa nitong programa kontra COVID-19.
Kasama sana sa mga programang ito ang libreng mass testing para sa mga walang panggastos para rito.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.