“STOP giving money to the so-called ‘streetdwellers’ because it does not yield good results in the long run.”
Ito ang seryosong panawagan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa mga motorista at publiko matapos ipahayag na nasa 700 palaboy ang nasagip ng mga tauhan ni Manila Police District (MPD) Director P/BGen. Rolando Miranda at kawani ng Manila Department of Social Welfare (MDSW), karamihan ay lango sa alak o bangag sa droga.
Ayon kay Mayor Isko, nang magsimula ang community quarantine ay puspusan ang isinagawang rescue operations ng pamahalaang lungsod at MPD sa mga palaboy upang masiguro ang kanilang kalusugan.
Ginagastosan din ng lungsod ang mga palaboy kahit hindi residente ng Maynila upang mailayo sa peligrong dulot ng COVID-19.
Ipinahayag ng alkalde, ang mga nasagip ay nasa maayos na pagkalinga ng pamahalaang lungsod bilang pagtitiyak na ligtas sila sa nakamamatay na sakit.
“Marami sa kanila ay may paraphernalia ng drugs. Hindi namin sila naaktohan pero may mga paraphernalia sila ng ilegal na droga. Maganda ang ginagawa ninyo pero hindi nagdudulot ng mabuting resultang pangmatagalan. Iwasan ninyong mamigay ng pera kasi, bagamat hindi lahat, pero karamihan sa kanila ay ipambibili lang ng alak at rugby, pati shabu, ang perang ibinibigay ninyo,” pahayag ni Moreno.
Sa pagsisimula ng paghihigpit sa pagpapatupad ng community quarantine, ginawang prayoridad ni Mayor Isko ang kapakanan ng mahihirap nating kababayan partikular ang mga palaboy kahit dayo sa lungsod dahil sa kawalan ng depensa laban sa pandemya.
Ngunit napag-alaman na karamihan sa mga nasagip ay tumatakas sa maayos na pasilidad na pinaglagakan sa kanila at muling bumabalik sa lansangan.
“Tumatakas sila kasi ang gusto nila ay pera. Para may pambili ng alak, rugby at droga. Hindi po namin gagawin. May dalawang milyong taga-Maynila na kailangan naming tugunan. ‘Wag n’yo po silang bibigyan ng pera, para hindi tayo naaabuso at hindi sila mamihasa. ‘Yung iba, totoong walang bahay pero karamihan sa kanila ay mayroon at mula sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila pero rito sila natambay kasi tayong taga-Maynila ay mababait,” ayon sa alkalde.
Sa malaking bilang ng mga palaboy na nasagip ng MPD at MDSW, karamihan sa kanila ay mga balik lansangan makaraang masagip at tumakas sa pasilidad na pinagdalhan sa kanila ng pamahalaang lungsod.
“Hayaan ninyong igiya ko kayo…dalhin n’yo sa gobyerno ng Maynila and we will make sure na ang inyong kabutihang-loob ay makukuha ng mga tunay na nangangailangan. Minsan kasi, ang kabaitan n’yo ay siya namang pagsasamantalahan na ‘di naman nakabubuti para sa kanya,” panawagan ni Isko.
Pagtitiyak ng alkalde, ang pamahalaang lungsod ng Maynila at pulisyang pinamumunuan ni MPD P/Gen. Miranda ay patuloy na sasagip sa mga palaboy upang mapangalagaan sila dahil batid ni Mayor Isko ang katayuan ng mga kababayan nating mahihirap
(BRIAN BILASANO)